Home NATIONWIDE Quezon City Hall, solar-powered na!

Quezon City Hall, solar-powered na!

MANILA, Philippines – SINABI ng Quezon City government na tatlong gusali sa City Hall ang solar-powered na ngayon sa ilalim ng Solarization Program ng lungsod.

Ayon sa QC government alinsunod ito sa mga hakbangin sa kapaligiran ng pamahalaang lungsod para sa pagtitipid at pagbabawas ng enerhiya, malawakang ipinatutupad ng lokal na pamahalaan ang QC Solarization Program upang mabawasan ang paggamit sa hindi nababagong enerhiya para sa lahat ng mga gusali, ospital, at paaralan na pag-aari ng lungsod sa pamamagitan ng paggamit ng solar energy, at upang isulong ang mga hakbangin sa pagkilos sa klima sa mga QCitizens.

“Sa QC, nilalayon naming bigyang-priyoridad ang pagbabawas ng pangangailangan sa enerhiya sa pamamagitan ng mahusay na mga solusyon sa pagtatayo at paglipat sa renewable energy sources sa lahat ng aming mga imprastraktura na pag-aari ng lungsod,” sabi ni QC Mayor Joy Belmonte.

Nabatid pa na halos 600 photovoltaic solar panel ang kasalukuyang naka-install sa loob ng mga pangunahing gusali ng city hall.

Idinagdag pa na ang 15-floor high rise main building ay may 180 panels, habang ang legislative building ay may 108, at humigit-kumulang 290 panels ang inilagay sa treasury building.

Ayon kay City Engineer Dale Perral, ang tatlong gusali ay nilagyan ng solar panels na makakatipid ng aabot sa P1.5 million electrical expenses.

Sinabi niya na ang inisyatiba na ito ay magbabawas ng carbon footprint ng lungsod ng 125 tonelada.

Kaugnay nito tinataya rin ng pamahalaang lungsod na ang matitipid mula sa mga solar-powered na gusali ay magagamit sa pagpapanatili at pagsasaayos ng anim na day care center o apat na healthcare center taun-taon.

Ayon pa sa QC gov’t. ngayong taon, mahigit 1,000 solar panel ang ilalagay sa mga ospital at paaralang pag-aari ng lungsod, partikular sa Rosario Maclang Bautista General Hospital, Novaliches District Hospital, at Quezon City General Hospital.

Target din ng pamahalaang lungsod na gawing solarize ang Culiat Elementary School, Culiat High School, Judge Feliciano Belmonte Senior High School, New Era High School, at Tandang Sora Elementary School ngayong taon.

“Tinitiyak namin sa publiko na ang lahat ng mga proyektong pang-imprastraktura sa ilalim ng administrasyon ni Mayor Belmonte ay nangunguna sa mga tuntunin ng kalidad at sumusunod sa pinakamataas na pamantayan ng inhinyero,” sabi ni Perral.

Plano ng QC government at Meralco na magtatag ng one-stop-shop sa loob ng City Hall para mapagaan ang paggamit ng solar energy at net-metering applications para sa mga residente. Santi Celario