Home METRO Quezon mayor, staff sinita ng LTO sa ‘di pagsusuot ng helmet

Quezon mayor, staff sinita ng LTO sa ‘di pagsusuot ng helmet

3
0

LUCENA CITY, Quezon — Naglabas ng show-cause order ang Land Transportation Office (LTO) laban sa isang alkalde at ilang kawani ng pamahalaan sa Quezon matapos umano silang makitang nakasakay sa motorsiklo nang walang suot na standard protective helmets.

Ayon sa LTO-Calabarzon, iniutos ni LTO chief Assistant Secretary Markus Lacanilao ang imbestigasyon matapos makarating sa ahensya ang video at mga larawan ng insidente na kumalat sa social media.

Inatasan ang Intelligence and Investigation Division (IID) na tukuyin ang mga registered owner at rider ng mga motorsiklong sangkot.

Sa ilalim ng show-cause order, inatasan silang humarap sa IID sa LTO Central Office sa Quezon City sa Huwebes, Oktubre 1, upang magpaliwanag hinggil sa umano’y paglabag sa Motorcycle Helmet Act.

Kailangan din nilang magsumite ng sworn statement o paliwanag at mga kaukulang dokumento kung bakit hindi sila dapat papanagutin.

Kabilang sa ipaliliwanag nila kung bakit hindi sila dapat ideklarang “improper persons to operate a motor vehicle,” na maaaring humantong sa suspension o revocation ng kanilang driver’s license kapag napatunayang may paglabag.

“As government employees, we ourselves must take the lead in obeying the law. We cannot enforce traffic laws on others if we ourselves do not comply with them,” ani Lacanilao.

Iginiit ng LTO na walang pinipiling opisyal o indibidwal ang pagpapatupad ng batas-trapiko at pananagutin ang sinumang mapatutunayang lumabag. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here