Home METRO Quiapo Church sa mga mananampalataya: Makiisa sa mga aktibidad para sa Mahal...

Quiapo Church sa mga mananampalataya: Makiisa sa mga aktibidad para sa Mahal na Araw

MANILA, Philippines- Inaanyayahan ng Minor Basilica at National Shrine of the Black Nazarene o Quiapo Church ang mga mananampalataya na makiisa sa aktibidad na gagawin sa simbahan sa pagdiriwang ng Holy Week.

Ang Station of the Cross sa Pamayanan ay gaganapin sa Linggo, Marso 17 ng ala-1:30 ng hapon.

Ang Pabihiss sa Poong Hesus Nazareno ay gagawin sa Marso 20, Miyerkules, ala-1 ng hapon.

Isasagawa naman ang misa para sa Palm Sunday o Linggo ng Palaspas sa Marso 23, Sabado ng alas-5, alas-6, at alas-7 ng hapon.

Sa Linggo ng Palaspas, ang unang araw ng Mahal na Araw sa Marso 24, ang prusisyon ay isasagawa ng alas-4 ng umaga simula sa Plaza Lacson-Carriedo. Magsasagawa rin ng misa kada oras mula alas-5 ng umaga hanggang alas-12:15 ng tanghali at mula alas-3 ng hapon hanggang alas-7 ng gabi.

Ang tradisyonal na Pabasa ng Pasiong Mahal ay gaganapin mula Marso 25 hanggang 27 (Holy Monday hanggang Holy Wednesday) ganap na alas-3 ng hapon. Ang misa ay idaraos kada oras mula alas-5 hanggang alas-10 ng umaga, alas-12:15 ng tanghali hanggang alas-5 ng hapon at alas-6 ng hapon.

Ang “senakulo” o Passion Play na pangungunahan ng Parish Youth Ministry sa Marso 27, Miyerkules Santo, ay kasado ng alas-7 ng gabi sa Plaza Miranda.

Sa Huwebes Santo sa Marso 28, gaganapin ang Misa (na gaganapin sa Manila Cathedral) ng alas-7 ng umaga. Ang misa bilang paggunita sa Huling Hapunan ay gaganapin ng alas-5 ng hapon.

Ang banal na pagbabantay at panalangin bago ang Banal na Sakramento (Altar of Repose) ay gaganapin mula alas-7 ng gabi hanggang alas-12 ng hatinggabi. Susundan ito ng prusisyon ng Itim na Nazareno sa hatinggabi ng Marso 29, Biyernes Santo.

Ang mga dasal sa umaga (Novena to the Poong Hesus Nazareno at Novena and Chaplet to the Divine Mercy) ay gaganapin ng alas-8 ng umaga. Pagsapit ng alas-12 ng tanghali, ang Pitong Huling Salita ay gugunitain na susundan ng paggunita sa Pasyon ni Kristo alas-3 ng hapon at ang prusisyon para sa Sacred Interred Christ kasado ng alas-4 ng hapon.

Sa Black Saturday, March 30, isang solemn procession ang gaganapin ng alas-7 ng umaga na susundan ng mga panalangin sa umaga ng alas-8. Isang novena at Chaplet sa Divine Mercy ang gaganapin ng alas-3 ng hapon.

Magsisimula ang Easter Vigil ng alas-8 ng gabi tampok ang isang prusisyon at “salubong.”

Panghuli ang Linggo ng Pagkabuhay, Marso 31, kung saan magsisimula sa misa ang pagdiriwang mula alas-5 ng umaga hanggang alas-12:15 ng tanghali at mula alas-3 ng hapon hanggang alas-7 ng gabi.

Ang pagdiriwang ng Semana Santa, ang pagtatapos ng 40-araw na panahon ng Kuwaresma na nagsimula noong Ash Wednesday ay magsisimula sa Marso 24, Linggo ng Palaspas ng Pasyon ng Panginoon, at magtatapos sa Marso 31, Linggo ng Pagkabuhay. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articleAgresyon ng Tsina kinondena ng US official
Next articleImelda nasa maayos na kalagayan na