MANILA, Philippines- Naghain si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Pastor Apollo Quiboloy at apat niyang co-accused nitong Biyernes ng not guilty plea sa qualified human trafficking charges sa Pasig City court, base sa ulat.
Walang kaukulang piyansa ang qualified trafficking charges laban ka Quiboloy, na inihain sa Pasig Regional Trial Court Branch 159. Kabilang sa kanyang co-accused sina Jackielyn Roy, Cresente Canada, Paulene Canada, Ingrid Canada, at Sylvia Cemane.
Sumuko si Quiboloy sa mga awtoridad sa Davao City noong weekend matapos iyang bigyan ng ultimatum na sumuko sa loob ng 24 oras.
Samantala, inaasahan din ang pagdalo ng pastor sa arraignment sa Quezon City Regional Trial Court Branch 106 ngayong Biyernes ng hapon sa mga kaso sa ilalim ng Section 5(b) ng Republic Act 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act at sa ilalim ng Section 10(a) ng parehong act.
Nitong Huwebes, sinabi ng Philippine National Police na lima pang indibidwal ang lumantad bilang mga biktima umano ng panggagahasa ni Quiboloy.
Bukod sa mga kinahaharap na kaso sa Pilipinas, kalaboso rin si Quiboloy sa conspiracy to engage in sex trafficking by force, fraud and coercion, and sex trafficking of children; conspiracy; at bulk cash smuggling sa United States.
Nakaditene si Quiboloy at iba pa sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center sa loob ng Camp Crame sa Quezon City kasunod ng kanyang pagsuko. Mariin nilang itinanggi ang mga alegasyon laban sa kanila. RNT/SA