MANILA, Philippines- Sinalakay ng the National Capital Region Police Office (NCRPO) ang opisinang gumagawa ng mga pekeng dokumento tulad ng identification cards at mga pasaporte sa Sampaloc, Manila.
Base sa ulat, nadiskubre ring ang grupo ang gumagawa ng pekeng IDs at pasaporte para sa Chinese at mga Pilipinong nagtatrabaho para sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa bansa.
Ang lokasyon ay tila photocopying stall lamang mula sa labas, subalit pagpasok dito, makikita ang mga kagamitang ginagamit umano sa paggawa ng pekeng IDs at mga dokumento.
Narekober ang mga ebidensya sa raid tulad ng mga dokumento mula sa Philippine Statistics Authority (PSA), Land Transportation Office (LTO), drug tests na may negatibong resulta, at agency IDs, na kapwa peke.
Gayundin, narekober ang Central Processing Units (CPU) ng mga computer, kung saan nakatago ang files ng contractors na nagtatrabaho sa POGO.
“Medyo mahirap-hirap hanapin. Palipat-lipat sila. Ang transaction ay three different persons. We were able to arrest personalities involved in the forging, falsification at paggawa nitong items na ito, lalo na ang passport, identification card, and birth certificate,” pahayag ni Police Major General Jose Melencio Nartatez Jr, NCRPO Regional Director.
“Ang kailangan nila during their travel, para undetected na maka-travel is to produce these kind of documents, lalo na ang passport,” ayon pa kay Nartatez.
Anim ang arestado sa stall at kakasuhan ng falsifying public documents.
Base sa kanila, ilang Pilipino ang tumutulong sa Chinese na makakuha ng “baklas” o pekeng Philippine passports. RNT/SA