Home METRO Bangkero patay, 20 nasagip sa sea mishaps sa Bohol

Bangkero patay, 20 nasagip sa sea mishaps sa Bohol

CEBU CITY- Patay ang isang bangkero habang 20 pasahero ang nasagip sa mga aksidente sa karagatan ng Panglao, Bohol nitong Huwebes.

Naganap ang serye ng mga insidente bago sumapit ang tanghali sa Cat Island, base kay Ensign Abel Lomboy, tagapagsalita ng Philippine Coast Guard-Central Visayas.

Sa unang insidente, tatlong motor bancas, RBCA Margie 2, RBCA Plaza 2, at RBCA Leah Mae, ang tumaob dahil sa “sudden occurrence of severe weather and sea conditions.”

Matagumpay na nailigtas ng mga tauhan ng Coast Guard-Panglao ang mga pasahero ng tatlong bangka.

Kalaunan, nalunod ang 62-anyos na MB Memar Nico boatman na si Lito Vistal matapos maharap sa malalaking alon dahilan upang lumubog ang sasakyang pandagat nito.

Narekober ang bangkay ni Vistal bandang alas-2 ng hapon, base kay Lomboy. RNT/SA