MANILA, Philippines – Ipinag-utos ng korte na ilipat sa Pasig City Jail ang nakakulong na pinuno ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) na si Pastor Apollo Quiboloy, ayon sa Philippine National Police (PNP) nitong Miyerkules.
Sa isang press briefing, sinabi ni PNP spokesperson Police Brigadier General Jean Fajardo na isang Pasig court ang naglabas ng kautusan noong Nobyembre 22.
“Alinsunod sa utos na inilabas ng RTC Pasig, ngayong araw, Nobyembre 27, pagsapit ng 4 p.m., inaasahan namin na ililipat namin ang kustodiya ni Apollo Quiboloy sa Pasig City jail,” sabi ni Fajardo sa mga mamamahayag.
Ang religious leader ay nasa kustodiya ng PNP Custodial Center sa Camp Crame sa Quezon City ngunit kasalukuyan itong nananatili sa Philippine Heart Center sa gitna ng kanyang pinalawig na medical furlough.
Si Quiboloy, na tinatawag ang kanyang sarili bilang “Anak ng Diyos,” ay kasalukuyang nahaharap sa isang non-bailable qualified human trafficking charge sa ilalim ng Section 4(a) ng Republic Act No. 9208, gaya ng amyendahan, sa harap ng korte sa Pasig.
Nahaharap din siya sa mga kaso sa ilalim ng Section 5(b) at Section 10(a) ng Republic Act 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act. RNT