MANILA, Philippines – BAGSAK sa loob ng rehas na bakal ang isang manyakis na construction worker na gumahasa sa dalagitang kapitbahay niya sa Valenzuela City matapos maaresto ng pulisya sa manhunt operation sa lalawigan ng Rizal.
Ayon kay Valenzuela police chief P/Col. Nixon Cayaban, nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa pinagtataguan ng akusado na si alyas Edsil, 45, na kabilang sa Top 10 most wanted ng lungsod kaya inatasan niya si P/Major Randy Llanderal, hepe ng Station Intelligence Section (SIS) na tugisin ang akusado.
Agad namang bumuo ng team si Major Llanderal sa pangunguna ni P/Lt. Mark Angelo Bucad, saka ikinasa ang manhunt operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa akusado sa pinagtaguang lugar sa Lipat-lipat, Sitio Tabaco, Brgy Hulo, Pililia, Rizal dakong alas-10:50 ng gabi.
Binitbit ang akusado sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Valenzuela Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Evangeline Mendoza Francisco ng Branch 170 noong Setyembre 9, 2021 para sa tatlong bilang na kasong panggagahasa na walang inirekomendang piyansa.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, sinabi ni Col. Cayaban na naganap ang panghahalay ng akusado sa biktimang si alyas “Jessa” noong Setyembre 5, 2012 kung saan 15-anyos pa lamang ang biktima sa lungsod.
Nasundan pa umano ang ginagawang panghahalay ng akusado sa biktima na naging dahilan upang mabuntis at magsilang ng sanggol ang dalagita na ngayon ay naninirahan sa isang bayan sa Zamboanga del Norte.
Nagpasalamat naman ang biktima at kanyang pamilya sa Valenzuela police sa pagkakaaresto ng mga ito sa akusado. Rene Manahan