MANILA, Philippines – Pitong katao ang sugatan sa halos 13 oras na sunog na iniakyat sa Task Force Bravo bago naapula ng pasado hatinggabi kanina, Setyembre 15 sa Aroma , Brgy.105, Vitas, Tondo, Maynila.
Nasa 1,700 pamilya naman ang naapektuhan sa sunog matapos mawalan ng tirahan na pansamantalang naglalagi sa ibat-ibang pasilidad at mga pribadong lugar sa Tondo.
Ayon sa mga opisyal ng Brgy 105, kabilang dito ang dalawang covered court ng Brgy 105, covered court ng Brgy 106, pasilidad ng Office of the Vice President sa Brgy 101, campus grounds ng Vicente Lim Elem School.
Bukod pa ito sa 2 gasolinahan na inookupa ng mga nasunugan, bangketa ng Mel Lopez Blvd at Maginoo St at center island ng Mel Lopez Blvd.
Bagamat pinagbabawalan pumasok, hindi nagpaawat ang maraming nasunugan na bumalik sa kanilang tirahan para maghukay at maghanap ng puwede pang mapakinabangan mula sa natupok nilang mga tirahan.
Hindi pa batid ang sanhi ng sunog ngunit tinatayang aabot sa P2.5 milyon ang halaga ng ari-ariang nilamon ng apoy. Jocelyn Tabangcura-Domenden