Home NATIONWIDE R&D capacity ng SUCs palalakasin ng DBM sa bagong staffing standards

R&D capacity ng SUCs palalakasin ng DBM sa bagong staffing standards

260
0

MANILA, Philippines – Inaprubahan ng Department of Budget and Management (DBM) ang implementasyon ng bagong staffing standards na layong pagbutihin ang research and development (R&D) capacity ng state universities and colleges (SUCs).

Pinirmahan ni Budget Secretary Amenah Pangandaman ang National Budget Circular (NBC) No. 598 noong Hulyo 15, 2025 na nagtatakda ng mga panuntunan sa ikalawang phase ng Revised Organization and Staffing Standards (OSS) para sa SUCs.

“Sa bisa ng National Budget Circular No. 598, mas pinapatatag natin ang pamantayan sa pagkuha ng mga kawani sa ating mga SUCs,” saad sa pahayag ni Pangandaman na inilabas nitong Lunes, Hulyo 28.

“Sinusunod po natin ang direktiba ni Pangulong Bongbong Marcos na siguruhing may sapat at naayong workforce para sa research and development, at suporta sa ating mga estudyante,” dagdag pa niya.

Ipinakilala ang circular na nagpapalawak ng reporma noong 2022 sa ilalim ng NBC No. 589 na nagsagawa ng reorganisasyon ng administrative and leadership offices ng SUCs.

Kabilang sa Phase II ay ang mga probisyon sa pagtatatag ng unit na nakatutok sa technology transfer, patents, academic publications, at staff support para sa research and extension programs.

“Our SUCs are not just centers of learning. They are engines of progress,” ani Pangandaman.

“Sa ikalawang bahagi ng ating circular, binibigyan natin sila ng kakayahang maging mas epektibo sa research, sa pagtulong sa mga komunidad, at pagbibigay ng konkretong solusyon sa hamon ng lipunan.”

Ang updated staffing guidelines ay binuo sa pakikipagtulungan sa Commission on Higher Education (CHED) at Philippine Association of State Universities and Colleges (PASUC), na nakaayon sa mga polisiya sa ilalim ng Higher Education Act of 1994, Higher Education Modernization Act of 1997, at CHED orders sa research and internationalization.

Ang pondo para sa implementasyon ay manggagaling mula sa kasalukuyang Personnel Services (PS) allotment ng SUCs sa ilalim ng General Appropriations Act, na may posibleng augmentation mula sa FY 2025 Miscellaneous Personnel Benefits Fund kung kinakailangan. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here