Home OPINION RD NCRPO TUTOK SA IWAS PAPUTOK 

RD NCRPO TUTOK SA IWAS PAPUTOK 

INIHAYAG ni National Capital Region Police Office director P/MGen Jose Melencio Nartatez Jr. na naging ligtas at payapa ang pagdiriwang ng Bagong Taon sa kabuuan.

Bagaman, aniya, may mga ilang naganap na disgrasya sa ilang mga syudad sa kanyang nasasakupan –Ang Metro Manila, subalit kontrolado naman ng pulisya.  Kasi nga, personal na sinusubaybayan ni Gen. Nartatez ang kalagayan ng kapayapaan at kaayusan sa Kamaynilaan kung saan maraming taong nagtutungo tulad ng mga bus terminal at istasyon ng tren.

Nag-inspeksyon din siya sa deployment ng mga police personnel para matiyak na ginagawa ng mga ito ang kanilang trabaho.

Naging mapayapa ang Metro Manila at syempre bumaba ang krimen at insidente sa pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon  dahil na rin sa police visibility na ipinatutupad ng 5 distrito at iba’t ibang unit ng NCRPO.

Naging matagumpay ang pagdiriwang ng “Holiday Seasons” dahil sa pagiging handa  at pagpaplano kaugnay sa seguridad at siyempre ng iba’t ibang mga hakbang sa pagpapatupad ng pagbabawal sa pagbebenta at paggamit ng mga iligal na paputok at pyrotechnics.

Gayunman, may mangilan-ngilang kaso na nakalusot kabilang na ang pagkakasugat ng isang anim na taong gulang na lalaki na tinamaan ng ligaw na bala habang natutulog noong unang araw ng Enero 2024 kaya’t kaagad na isinugod sa pinakamalapit na pagamutan upang malapatan ng lunas.

Umabot naman sa P670,344.00 ang halaga ng mga nakumpiskang paputok sa buong Metro Manila at may 14 na inaresto ang pulisya kaugnay sa paglabag sa firecracker ban. (Sa Maynila, may mga nahuli bang nagbebenta ng paputok? Isinisigaw kasi ng vendors ang pangalan ng isang opisyal ng Manila Police District na siyang nagbibigay proteksyon sa kanila. – Ed)

At dahil hindi basta-basta madaling mahikayat si RD Tateng sa mga pahayag sa kanya lalo na walang ebidensiya, inatasan niya ang kanyang mga tauhan na direktang magtungo sa mga pagamutan o makipag-ugnayan sa mga ospital upang makakuha ng tama at kompletong datos kaugnay sa mga nasugatan dahil sa paputok.

Talagang sinikap ng NCRPO na maging ligtas ang pagdiriwang ng Bagong Taon kung kaya’t nagdeploy ng mga tauhan para sa countdown sa mga lugar tulad ng Bonifacio Global City, Taguig City, Mall of Asia, Pasay City, Ayala Avenue, Legaspi Village, Makati City, Quezon Memorial Circle, Eastwood City Mall, Libis, Quezon City , Greenfield Mandaluyong City, Rizal Park, Ermita, Manila, Pinaglabanan Shrine, San Juan City at Jones Bridge, Binondo, Manila.

Kasabay nang pasasalamat sa kanyang mga tauhan sa pagtupad sa kanilang mga tungkulin, mas higit ang pagtuon ni Gen. Nartatez sa pasasalamat sa publiko na sinabi niyang hindi magtatagumpay ang anomang programa ng pamahalaan kung wala ang pakikiisa ng mga mamamayan.

Previous articleMAYNILAD NAG-AALOK NG LIBRENG SEPTIC TANK CLEANING NGAYONG ENERO
Next articleIRESPONSABLENG PAGSASAYA