Home OPINION IRESPONSABLENG PAGSASAYA

IRESPONSABLENG PAGSASAYA

NOONG Disyembre 31, 2022, iilan lang ang nangahas na bulabugin ang katahimikan sa lugar ng mga bahayan sa kanilang pagpapaputok. Takot, at marahil ay respeto, sa istriktong polisiya nang nakaraang administrasyon ni Rody Duterte ang namayani sa unang holiday season sa ilalim ng pamumuno ni  Pangulong Marcos Jr. Bukod pa rito, napigilan ng pandemya ang kawalang ingat ng iba.

Fast forward sa katatapos na pagdiriwang at ang mga kalye, lalo na sa Tondo, Maynila, at maging sa Quezon City, ay nag-ala war zone sa kawalang pakialam sa kaligtasan. Ang pagbabalik nang walang pakundangang pagsasaya ay hindi lamang nakapeperhuwisyo kundi lantarang pambabalewala sa pagkontrol sa delikadong gawaing ito na nagawang masawata ng administrasyong Duterte.

Ang paglobo ng bilang ng mga nasaktan o nasugatan dahil sa paputok ay hindi lamang eksenang pang-Bagong Taon kundi isang patunay sa kabiguan sa pagpapatupad ng batas kung saan 443 ang nasugatan simula noong Disyembre 21, 2023, at marahil patuloy na may nadadagdag sa bilang na ito.

Ang Philippine National Police, na dating epektibo sa pagpapatupad ng batas sa ilalim ng pamunuang Duterte, ay mistulang nawalan ng angas sa pagpapanatili ng kaayusan. Ang karagdagang 212 kaso at ang nakapanlulumong pagkamatay ay hindi lamang basta mga numero; ito ang resulta ng malamyang pagpapatupad ng pagbabawal sa paggamit ng paputok.

Kung takot at respeto ang ipinairal ng dating administrasyon, masasalamin sa kasalukuyang sitwasyon ang kawalan ng disiplina at kontrol. Nakalulungkot na Metro Manila pa talaga, partikular ang Tondo, ang nangunguna sa mga naitatalang naputukan. Nasaksihan sa mga lansangan ang sari-saring pagkasugat, mula sa pagkapaso hanggang sa pagkaputol ng parte ng katawan, lahat dahil lamang sa iresponsableng pagdiriwang.

Ang palusot na “revenge drive” sa pagsasaya nang walang limitasyon ay isa lamang kaawa-awang pagtatangka na mabigyang katwiran ang napakaraming nasugatan. Hindi revenge ang tawag dun: kawalan ng pag-iingat.

Nanawagan ang Metropolitan Manila Development Authority sa mga local government units na magtakda ng firecracker zones, kung saan ang pagpapailaw para salubungin ang Bagong Taon ay magiging guwardiyado. Pinahintulutan din ng gobyerno ang mga tinatawag na ligal na paputok, na inaasahan, siyempre pa, na mas ligtas gamitin.

Pero base sa dalawang pangunahing gumawa at nagbenta ng paputok noong 2022 sa Bocaue — ang binansagang firecracker capital ng bansa sa Bulacan — nabalitaan ko na mayroon daw limang pangunahing pinagkukunan ng paputok, fireworks, at pyrotechnics. Isa ba itong indikasyon na ang pagiging regulated na ngayon ng industriya ay nagdudulot pa rin ng perhuwisyo kaysa benepisyo?

Nakapanlulumo ang mga imaheng dulot ng datos ng Department of Health , kung saan ang mga kaso ng naputulan, nasugatan sa mata, at maging natamaan ng ligaw na bala ay lumalabas na kuwento ng ‘horror’ na pagsalubong sa Bagong Taon sa Pilipinas.

Dapat na maalimpungatan na ang mga awtoridad — ang administrasyon ni PBMM — mula sa kanilang pagkakahimbing at tuldukan ang delikadong pagdiriwang na ito. Hindi ito tungkol sa pagiging  “killjoy” sa gitna ng pagsasaya sa Pasko kundi pagbibigay ng proteksiyon sa buhay. Ibig kong sabihin, ano ang ipagdiriwang sa Baguio City kung ang paring Katoliko ay nasapol ng ligaw na bala sa balikat pagkatapos manguna sa Banal na Misa?

Hihintayin pa ba natin na isang nagsisimba, na nasa aktong tumatanggap ng Holy Communion, ang bigla na lang matamaan ng ligaw na bala sa ulo bago kumilos ang pulisya, ang pamahalaang lokal  o  Malacañang?

Sa gitna ng kaguluhang ito, nakabibingi naman ang pananahimik ng PNP. Nasaan na ang agarang pag-aksiyon na minsan nang itinuro sa kanila? Wala bang may gustong arestuhin ang mga beteranong lasenggo na may nakasinding sigarilyo sa isang kamay at whistle bomb sa isa pa habang nakahambalang sa daan? Saan na ang mga nakakalasong Watusi na kinumpiska mula sa mga bata at sa kanilang mga bahay?

Panahon na para sa isang reality check – hindi palaruan para sa mga delikadong kaganapan ang mga lansangan. Dapat na may maaresto, at kailangang maipatupad ang batas nang walang nakokompromiso. Panahon nang harapin ng mga walang pakundangan sa pagsasaya ang kahihinatnan ng kanilang pagkakamali, at ang PNP, ang mga bagong halal na opisyal ng barangay, at ang mga lokal na pamahalaan ay kailangang magsanib-puwersa bago pa sayangin ng walang kuwentang perhuwisyong ito ang mas marami pang mga buhay.

                     *        *       *

SHORTBURSTS. Para sa mga komento at reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X.