Home OPINION CELEBRITIES SA PHILHEALTH: COVERAGE SA MAY AUTISM DAGDAGAN

CELEBRITIES SA PHILHEALTH: COVERAGE SA MAY AUTISM DAGDAGAN

KAMAKAILAN, sa pangunguna ng ASP o Autism Society of the Philippines at ng kilalang celebrities ay isinagawa ang “Angels Walk for Autism 2024” sa paligid ng Mall of Asia sa Pasay City.
Nanguna sa mga lumahok na personalidad ang komedyanteng si Candy Pangilinan na may anak na nasa autism spectrum, kabilang din sina Miss Universe Philippines 2023 Michelle Marquez Dee, Miss International 1979 Melanie Marquez, Martin Nievera, Dingdong Avanzado, Rhian Ramos, Maureen Montagne, Janina San Miguel at Samantha Panlilio.
Ipinanawagan ang kahilingan sa pamahalaan partikular sa PHILHEALTH o Philippine Health Insurance Corporation para sa karagdagang coverage ng therapy ng may autism spectrum at iba pang mga benepisyo.
Ayon kay Pangilinan, naiintindihan niya ang pang-araw-araw na pasanin ng mga magulang na mayroong anak na nasa autism spectrum, siya nga diumano na may pinagkakakitaan ay nabibigatan sa mga gastusin, paano pa nga ang isang pamilya na umaasa lamang sa minimum wage na kita, sinabayan pa ng mataas na inflation rate.
Nais din nilang hikayatin ang publiko na intindihin, alamin at tanggapin ang mga batang may autism spectrum.
Nakita rin sa pagsasaliksik na ang mga batang may disabi­lity ay nasa 50% o higit pa ang tsansang makaranas ng matinding kahirapan ang kanilang magulang.
Kabilang sa mga dahilan ng malaking gastusin ang kakula­ngan sa serbisyo para sa mga batang may disability, kawalang kakayahang makapagpa-check-up, at pagkakaroon ng limi­tasyon ng mga batang may kapansanan na maging normal na bata.
Ikinatuwa ni Pangilinan na maraming mallgoers ang nagpakita ng pagsuporta sa kanilang mensahe. Umaasa sila na makararating ito sa kinauukulan.
Pag-amin ni Pangilinan, malaking bagay na isa siyang ko­medyante dahil sa oras na pinanghihinaan siya ng loob at napapagod, mayroon siyang napaghuhugutan ng katatagan.
Sa pagtataya ng Autism Society of the Philippines, mayroong 1.2 million na mayroong autism spectrum sa bansa.