Home OPINION TULARAN SI RIZAL

TULARAN SI RIZAL

ANG sabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., dapat daw sana, ang lahat ng Filipino ay tularan ang ating pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal dahil ipinamana nito sa atin ang pagmamahal sa bayan.

Sa paggunita natin ng kanyang kabayanihan tuwing Disyembre 30 na siyang naghulma nang ikagaganda ng ating bayan sa ipinakita niyang pagmamalasakit sa Inang Bayan ang magdadala sa magandang kinabukasan ng bansa anomang hamon ang dumating.

Ito ang isinabubuhay ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict  na patuloy na pinoprotektahan ang ating mga kabataan na huwag maagaw ng kasamahan at karahasan.

Isa sa naging pangarap ito ni Rizal na ang kalayaan ay makakamtan lamang at mapapanatili kung ang mga kabataan ay bigyan ng tamang edukasyon. Bigyan ng mga paraan upang makaisip ng tama upang magtaglay ng tunay na diwa ng pagka-Filipino.

Sa kasalukuyan, ito rin ang pangarap ng NTF-ELCAC na ipagpatuloy ang mga ninais ni Rizal na iwaksi ang kabataan at tanggihan nila ang mga maling adhikain o ideolohiya.

Itinatag ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang NTF-ELCAC upang manguna sa pagliligtad ng mga kabataan sa mga maling turo ng mga komunistang-teroristang CPP-NPA-NDF. ‘Di niya pinabayaan ang mga kabataan na mahumaling at malinlang ng mga maling aral ng mga komunistang-terorista.

Sa ganitong paraan, alam ng dating Pangulong Duterte at ngayo’y si Pangulong Marcos na magagawa ng NTF-ELCAC ang mga nagawa at naiwang aral ni Rizal. Pagtibayin ang kaisipan ng mga kabataan sa pagmamahal sa bayan. Sa tamang edukasiyon, lilinaw ang kanilang kaisipan at tiyak na tatanggihan ang pagtatangka ng CPP-NPA-NDF na isama sila sa pang-aagaw ng pamahalaan na limangpung taon na nilang tinatangka ngunit di mapagtagumpayan.

Sa patuloy na pagsisikap ng NTF-ELCAC na gayahin ang mga adhikaing ito ni Rizal, nakatitiyak tayong ligtas ang ating mga anak sa kuko ng panganib na dala ng CPP-NPA-NDF, na sa ngayon, sa aking pagtantiya ay nalalapit nang magapi ng ating Sandatahang Lakas.

At sana, makatulong din ang pitak na ito, sa kapwa ko mga magulang, na kasama sa ating responsibilidad habang pinalalaki ang ating mga anak, na bantayan ang mga sinasamahan ng ating mga anak.

Dahil sabi na rin ni Rizal, “Ang Kabataan Ang Pag-asa Ng Ating Inang Bayan.”