Home OPINION PBBM PRAYORIDAD SAPAT NA SUPLAY NG PAGKAIN  SA TAGTUYOT

PBBM PRAYORIDAD SAPAT NA SUPLAY NG PAGKAIN  SA TAGTUYOT

PINAKILOS na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang lahat ng mga ahensiya ng pamahalaan na pwedeng makatulong upang malabanan ang matinding epekto nang nakaambang tagtuyot dulot ng El Niño.

Sa totoo lang, noon pang nakaraang taon ay pinaghandaan na ng Pangulong Marcos ang matinding epekto ng El Niño nang buhayin niya ang presidential task force na gagawa ng hakbang para paghandaan ang tagtuyot, kasama ang iba’t-ibang ahensiya ng pamahalaan, partikular siyempre ang Department of Agriculture  para matiyak ang seguridad sa pagkain.

Ang isa pang ahensiya na talagang pinupukpok ng Pangulong BBM para magtrabaho nang husto ay ang National Irrigation Administration nang atasan niyang madaliin ang pagsasaayos ng mga irigasyon para hindi kapusin sa tubig ang mga sakahan.

Pinamamadali rin niya ang mga nakalatag na mahahalagang imprastraktura na magagamit upang hindi maubusan ng supply ng tubig, hindi lamang ang mga magsasaka, kundi ang mga industriya at kabahayan na apektado rin ng tagtuyot.

Sabi nga ni Defense Secretary Gilbert Teodoro, kabilang sa bumubuo ng task force, kailangan talagang gumana ang lahat ng ‘irrigation system’ sa buong bansa dahil posibleng makaranas ng matinding tagtuyot ang may 63 lalawigan sa bansa batay na rin sa pagtaya ng meteorological agencies.

Ayon naman sa  Pangulo, kinailangang gawin ang lahat ng hakbang para bago maubos ang supply ng tubig, may nakahandang patubig para ma-suplayan ang mga malalaking lungsod at malalaking industriya at higit sa lahat ay ang patubig sa agrikultura para patuloy na makapagtatanim ang mga magsasaka at matiyak ang supply ng pagkain.

Naniniwala si PBBM na hindi lamang ang DA at NIA ang magpapasiya kung alin ang mga lugar na dapat madaliin ang pagkukumpuni ng irigasyon kundi dapat ay tanungin nila ang mga magsasaka dahil sila ang nakakaalam ng mga pangangailangan para matiyak na hindi kakapusin sa patubig ang kanilang mga pananim.

Priority ng Pangulo ang pagtiyak na magiging sapat ang supply ng pagkain at magagawa lamang ito sa panahon ng tagtuyot kung magiging maayos ang sistema ng lahat ng irigasyon sa bansa.

Ang mahirap lang, kapag ang mga tiwaling opisyal sa NIA na ang pangunahing agenda ay ang kumita ng salapi kapalit ng palpak na pagtatayo ng irigasyon ay pawang nandoon pa. Tiyak, gutom ang aabutin ng maraming Pinoy kapag tumindi ang epekto ng El Nino.

Maaring magpadala ng inyong puna at reklamo sa aking email address na [email protected] o pwede rin magpadala ng mensahe sa 0995-1048357.

Previous articleTULARAN SI RIZAL
Next articlePAGPUGOT NG HAMAS SA 40 SANGGOL, FAKE NEWS?