MANILA, Philippines – HINIKAYAT ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco ang mga residente ng Baguio at mga kalapit na lugar na i-report ang sinumang hinihinalang ilegal na dayuhan sa kanilang intelligence team sa nalalapit na service caravan.
Batay sa mga ulat na natanggap sa naganap na Mindanao leg ng “Bagong Immigration” caravan, binibigyang-diin ng Tansingco ang mahalagang papel na ginagampanan ng pagbabantay ng komunidad sa pagpapanatili ng seguridad sa hangganan at pagtataguyod ng mga immigration laws.
“As we embark on our service caravan, we urge the community to report suspicious activities or individuals in their respective areas,” ani Tansingco.
Binigyang-diin ni Tansingco ang pangako ng ahensya hinggil sa pagtugon sa mga alalahanin na may kaugnayan sa illegal immigration at itinatampok ang kahalagahan ng partisipasyon ng mamamayan sa paglaban sa mga ilegal na dayuhan.
Aniya, ang mga miyembro ng komunidad ay lubos na hinihikayat na mag-ulat ng mga foreign sex predator at sex tourist, na inuuna ng BI sa ilalim ng #Shieldkids campaign ng ahensya.
Nabatid na ang ikatlong leg ng service caravan ng BI ay nakatakda sa Mayo 8 sa Cap-John Hay Trade and Cultural Center sa Baguio City.
Iniaalok ng nabanggit na caravan ang mabilis na pagproseso para sa iba’t ibang mga transaksyon sa BI, kabilang ang mga extension ng tourist visa, exit clearance, dual citizenship application, at iba pang mahahalagang clearance. JAY Reyes