Home OPINION G. LUZON NAGHAHANDA NA LABAN SA LA NIÑA

G. LUZON NAGHAHANDA NA LABAN SA LA NIÑA

MAGANDA ang mga ginagawa ng pambansa at mga lokal na pamahalaan sa Gitnang Luzon bilang paghahanda sa darating na tag-ulan na may halong La Niña.

Kasama sa mga naghahanda ang mga pamahalaang Bulacan at Pampanga at Department of Public Works and highways.

Sinisira na nila ang mga water lily sa mga ilog na karaniwang kabilang sa mga pangunahing dahilan ng pagbabara ng mga ilog.

Naririyan din ang pagkalkal sa mga namahay nang basura at putik sa mga ilog na dahilan ng pagbabaw ng mga ilog na sa konting ulan, umaapaw na ang mga ito at susunod na ang mga malawakang pagbaha.

Kasama sa mga sinusuyod na ilog upang malinis at matanggalan ng mga putik at basura ang Guiginto River sa Bulacan at Tulaoc River at Paligui River sa San Simon, Pampanga.

NALUNOD AT NAPAKABAHO

Sa Guiguinto, may isang barangay diyan ang lumubog sa baha, malapit sa munisipyo, dahil sa pagbabara ng mga water lily sa Guiguinto River.

May mga bungalow na bahay ang binaha at umabot sa bubong.

Walang matitirang ari-arian sa ganyang kalagayan, sira lahat.

Kung may flashflood o biglang pagbaha, pati buhay ng tao nanganganib.

Ayon kay Bulacan Governor Daniel Fernando, kasama sa mga bayang may ilog na nililinis at pinalalalim ang Angat, Pamarawan, Malolos, Hagonoy at Guiguinto.

Para sa atin, dapat na isama sa paglilinis nang husto ang Marilao River na sobra ang baho.

Sabi ng mga nakatira sa paligid, pasanayan lang daw ang pag-amoy sa baho pero iba talaga ang amoy riyan.

Pumapasok maging sa naka-aircon na sasakyan na bumabagtas North Luzon Expressway.

Sana pagtuunan ni Gob. Fernando ito.

KATAKOT-TAKOT NA TRAPIK

Kapag umapaw ang Tulaoc River at Paligui River sa San Simon, Pampanga, asahan mo na ang katakot-takot na trapik sa NLEX na sakop ng mga ilog na ito.

Naranasan ito sa nakaraang tag-ulan.

Kahit nilalagyan ng sandbag ang mga gilid ng NLEX para maharang lang ang baha, lumulubog pa rin ang expressway at hindi pupwedeng daanan ng mga mababang sasakyan gaya ng mga kotse at hirap din ang mga panel at jeepney.

Tanging mga matataas at malalaking trak ang nakararaan bagama’t hirap din ang ilan sa mga ito.

Napakaperwisyo sa lahat ang bahang ito: Empleyadong pumapasok sa trabaho, negosyanteng nagdedeliber ng mga kalakal, mismong mga may-ari ng mga sasakyan na nasisiraan, mga emergency vehicle na may dalang may sakit patungo sa mga ospital, mga pulis na naghahabol sa mga kriminal at iba pa.

Sa ibang mga bansa, gumagamit sila ng maraming helikopter sa pag-ayuda sa mga naiipit sa baha.

Pero sa Pinas, bibihira kang makakita ng helikopter para sa pagliligtas sa mga nasa emergency na kalagayan.

TAMANG GAWA

Tama lang ngayon ang paglilinis sa mga mababaw at baradong ilog.

Pero sana, hindi pera-pera lang ang mga kontrata at paggawa rito, lalo’t malapit na ang halalang 2025 na naghahanap ang mga politiko ng mga pagkakitaan.

Saludo sa inyong maagang paghahanda laban sa malapit nang tagbaha, Gob. Daniel Fernando at Pampanga Gov. Dennis Pineda.