Home OPINION DALAWANG GULONG SA EDSA

DALAWANG GULONG SA EDSA

MASYADO na ngang mainit ang panahon, dumagdag pa rito ang init at galit ng maraming siklista at “mobility advocates” sa proposisyon ng Metro Manila Development Authority na tanggalin na ang mga bike lane sa EDSA para raw maibsan ang problema ng trapiko.

Sobrang konti lang naman daw kasi ang gumagamit ng bike lanes kaya baka mas maigi na bawiin ito at gawing ‘exclusive lane’ para sa mga motorsiklo.

Sinabi ni Acting MMDA Chairperson Romando Artes,  base sa kanilang ginawang pag-aaral ay 1,586 na bisikleta lang ang gumagamit ng EDSA. Inamin naman ng MMDA Traffic Engineering Center na ang numero ay “partial figure” lang at galing sa isang pag-aaral na ginawa noong July 2023 sa isang lugar lang sa gitna ng Ortigas at Annapolis, at nagbilang lang sila ng isang araw. Hindi rin pala nabanggit ng MMDA na meron Typhoon Signal #1 noong petsa na ginawa nila ang pagbibilang ng mga siklista.

Umalma agad ang maraming grupo na mali ito, hindi totoo at kulang-kulang ang  impormasyon. Ayon sa datos ng Institute for Climate and Sustainable Cities at Climate Reality Project mula sa kanilang 2023 Bilang Siklista na research, kung saan gumawa sila ng talaan ng mga siklista sa limang interseksyon ng EDSA sa loob ng apat na araw, at ang lumabas ay mahigit sa 7,800 na siklista ang gumagamit sa EDSA.

Mukhang kinakapos sa pagsasaliksik at gumagamit ng kulang na datos ang ating MMDA Chairperson. Kailangan pa siguro nang mas maayos at masinsin na “complete staff work” para kumpleto ang mga detalye ng basehan ng mga panukalang polisya na dito sa bike lanes.

Sangyon ako sa batikos na pinaparating ng mga kritiko. Nagiging paurong ang MMDA pagdating sa usapin nang pag-manage ng trapik sa EDSA. Masyado kasing naka-sentro sa mga kotse at mga maraming-gulong na sasakyan ang mga pananaw at plano ng MMDA. Kaya laging minamaliit ang mga bisikleta, e-bikes at e-trikes.

Hindi rin nakatutulong na parang pinag-aaway pa ng MMDA ang mga siklista at motorcycle riders para pag-agawan ang isang lane sa highway. Dapat ay hiwalay ang daanan ng mga mas mabilis na motorsiklo.

MMDA, makinig kayo sa mga mas maraming boses, hindi lang palagi sa mga interes ng mga naka-kotse!