Home NATIONWIDE Re-elected Senador Kiko nanumpa na kay SC Justice Leonen

Re-elected Senador Kiko nanumpa na kay SC Justice Leonen

MANILA, Philippines – Nanumpa si Senator-elect Francis “Kiko” Pangilinan sa kanyang ika-apat na termino sa Senado kay Supreme Court Associate Justice Marvic Leonen kamakailan.

Sa pahayag, sinabi ni Pangilinan na lubha siyang nagpapasalamat sa kanyang “hard-fought poll victory” na isang paalala rin sa sarili na ipagpatuloy ang pagtindig para sa benepisyo ng mamamayang Filipino.

“Lubos ang pasasalamat natin sa Diyos, sa taumbayan, at sa lahat ng tumaya at kumilos para sa tagumpay ng kampanyang ito. Ang panunumpang ito ay hindi lamang simbolo ng tagumpay. Isa itong paalala ng tungkuling dapat gampanan: makinig, maglingkod, at manindigan para sa bawat Pilipinong nangangarap ng mas maayos na bukas,” ani Pangilinan, na isa ring abogado.

“Hindi madali ang landas patungo rito, pero sa awa ng Diyos at sa lakas ng taumbayan, ang imposible ay naging posible. Maraming salamat sa tiwala. Para sa pagkain, para sa pagkakaisa, para sa Pilipino,” dagdag niya.

Sa pagkapanalo ni Pangilinan, inilampaso nito ang mga “survey” bago ang halalan na palagi siyang nasa kulelat na posisyon at halos hindi makapasok sa Magic 12. Pinasubalian din ng pagkapanalo ni Pangilinan ang katotohanan sa likod ng survey dahil nalaglag sa Magic 12 ang ilang nangunguna kaysa kanya, at kamuntik nang malaglag ang ilang kandidatong ibinoto ng administrasyon tulad nina Senador Camille Villar at Imee Marcos.

Umabot sa mahigit 15.2 milyong boto ang nakuha ni Pangilinan sa halalan na itinuturing na pagpabor ng kabataan. Ernie Reyes