MANILA, Philippines — Nakipagsanib-pwersa ang GCash, ang fintech platform na suportado ng Globe, sa Florida-based na Viamericas upang bigyang-daan ang real-time na pagpapadala ng pera mula sa US at Canada diretso sa GCash accounts ng mga nasa Pilipinas.
Layunin ng partnership na ito na gawing mas mabilis at mas maginhawa ang pagpadala ng pera ng mga overseas Filipino workers (OFWs) sa kanilang pamilya.
“Binibigyang-kakayahan ng partnership na ito ang OFWs na magpadala ng ligtas at mabilis na remittances, na nagpapalakas ng kanilang kontrol sa pananalapi at koneksyon sa kanilang mga mahal sa buhay,” ani Paul Albano, general manager ng GCash International.
Ayon naman kay Joseph Argilagos, co-founder at executive chairman ng Viamericas, pinalalawak ng kasunduang ito ang kanilang serbisyo sa Pilipinas sa pamamagitan ng pagsasanib sa GCash.
Aniya, tugma ito sa kanilang misyon na magbigay ng abot-kaya, maaasahan, at madaling ma-access na serbisyong pampinansyal.
Sa malawak na network ng Viamericas sa North America, mas pinadali ang pagpapadala ng pera para sa mga Pilipino saan man sila naroroon.
Sa Pilipinas, tinatayang 81% ng populasyon ang gumagamit ng GCash, na nagbibigay sa kanila ng access sa iba’t ibang financial services at produkto. RNT