MANILA, Philippines – Hindi maaaring balewalain lamang ng Office of the Ombudsman ang mga sinumpaang recantation o pagbawi ng pahayag ng mga testigo sa kaso ni dating House Speaker Martin Romualdez.
Ito ang Iginiit ng kampo ni Romualdez sa pamamagitan ng kanyang inihaing Supplemental Counter-Affidavit Ex Abundanti Ad Cautelam sa Office of the Ombudsman kung saan kinontra nito ang nauna nang pahayag ng Ombudsman na walang magiging epekto ang ginawang pagbawi sa testimonya ng mga testigo.
Sinabi ng kampo ni Romualdez na ang recantation ay maaaring walang epekto kung nasa gitna na ng paglilitis o pagkaraan maibaba na ang hatol, subalit sa kaso ni Romualdez na ang testimonya ng mga testigo ang naging batayan ng reklamo ay dapat itong iapply.
“While the Honorable Office through the Ombudsman in a press conference has already expressed its position that the Recantation Affidavits neither strengthen nor weaken its case against Romualdez and that recantations are viewed by the courts with disfavor, it bears noting that such principle of disfavor applies only when recantation occurs during trial or after a judgment of conviction, and not beforehand,” ayon sa kampo ni Romualdez kung saan tinukoy nito ang kaso ng Balderama vs. People.
Ang kaso ni Romualdez ay hindi pa naisasampa kaya dapat bigyang bigat ang pagbaw sa testimonya ng mga testigo.
“No trial has taken place, no testimony has been given in court, and no judgment of conviction exists to retract from,” giit nito kung saan malinaw na ang kaso ni Romualdez ay nasa preliminary investigation stage pa lamang.
Sinabi ng kampo ni Romualdez na hindi nila hinihingi na awtomatikong paniwalaan ang bawat pahayag na binawi ng mga testigo kundi nararapat na suriin at paghambingin ang mga bersyon, silipin kung paano ginawa ang bawat isa, at unawain ang mga motibo sa likod ng pagbabago.
Nanindigan ang kampo ni Romualdez na napakahalaga ng naturang paghahambing lalo na sa kaso ng dating ex-Marine na si Orly Guteza na una niyang sinabi na lumahok siya sa paghahatid ng male-maletang pera, ngunit kinalaunan ay nanumpa na pinilit lamang sa kaniya ang kwento sa kabila ng kaniyang kawalan ng personal na kaalaman.
Nilinaw ng kampo ni Romualdez na hindi nila hinihingi ang awtomatikong pag-apruba sa mga binawing pahayag, kundi ang patas at masusing paghahambing ng Ombudsman sa mga lumang bersyon at sa mga bagong salaysay bago magpasya kung pormal na magsasampa ng kaso sa hukuman laban kay Romualdez. Gail Mendoza