Home METRO Reclamation project ‘di magdudulot ng malawakang pagbaha sa Kalakhang Maynila – PRA

Reclamation project ‘di magdudulot ng malawakang pagbaha sa Kalakhang Maynila – PRA

MANILA, Philippines- Naniniwala ang pamunuan ng Philippine Reclamation Authority (PRA) na hindi magdudulot ng malawakang pagbaha sa Metro Manila ang mga proyekto ng  ahensya sa Manila bay.

Ayon kay PRA General Manager Cesar Siador Jr., marami nang pag-aaral hinggil sa pangamba ng pagbaha sa Metro Manila at lumalabas aniya na hindi mangyayari ang sinasabi nitong siyam na metrong taas na baha.

“Let us do it the application of Science, kase kung titingnan naman natin marami nang study na nangyaring ganyan ay hindi naman babaha sa tinuturan nila na mga 9 meters yung lalim ng tubig na sasakop sa mga siyudad dito sa Maynila,” ani Siador.

“Kung titingnan natin sa ginawang model ng mga consultant natin, ay tuloy-tuloy naman ang pagdaloy ng tubig papunta sa dagat. Wala pong babaha na ganung klase ng taas,” dagdag pa ni Siador.

Paliwanag pa niya, kasamang plinano sa reclamation projects ng PRA ang pagbaha sa Metro Manila.

Kasabay nito, hinimok din ng opisyal ang publiko na tumulong sa pagbabantay at pag-monitor sa proponents na gumagawa ng reklamasyon para masigurong makaiwas sa pagbaha ang kalakhang Maynila.

Samantala, ipinahayag ng bagong Chairman ng PRA na si Atty. Alex Lopez na mas pinaigting nila ang isinasagawang imbestigasyon hinggil sa “illegal reclaim areas” kung saan tiniyak nila na hahabulin nila ang mga ito at pananagutin.

“Right now we are identifying these illegally reclaim areas, we’re trying to penalize them, the old policy kase was we will penalize them 10%, para magamit natin at hindi mapasok ng informal settlers at hindi masayang na lang o bumalik sa dagat which will create more environmental problems,” ani Lopez.

Bukod aniya sa mga illegal reclamation, iimbestigahan din ng PRA ang libo-libong ektarya ng tubig na nilagyan ng titulo na talaga naman umanong nakapagtataka gayundin ang mga lupa na dapat hindi lagyan ng titulo na napatituluhan ay kanila din umanong tatalupan,

Aminado naman si Lopez na napakalaki ang kanilang gagampanan ngunit tinanggap nito ang napakalaking responsibilidad bunsod na din sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na dapat makinabang ang mga mahihirap dito. Sa oras na matapos ang reclamation ay maraming investors ang mahihikayat dito na magtayo ng negosyo na magdudulot ng maraming trabaho kung saan maraming Pilipino, partikular na ang mahihirap, ang makikinabang dito. JAY Reyes

Previous articleDengue cases sa Pinas bumaba ng 11%  
Next articleSen. Tolentino umayuda sa seniors, PWDs