MANILA, Philippines – Hinimok ng Department of Migrant Workers (DMW) ang mga pribadong recruitment agencies (PRAs) na idelay ang deployment ng mga Filipino workers sa mga bansang apektado ng hidwaan sa Middle east upang masiguro ang kanilang kaligtasan.
Inulit ng DMW ang OFW deployment restrictions sa Israel, Iran, Jordan at Lebanon.
Sa ngayon, sinabi ni DMW Hans Leo Cacdac na nasa Alert Level 2 sa Israel na nangangahulugan na bawal ang bagong mga hire pero puwede ang mga nagbabalik.
Gayunman, dahil sa airspace restrictions, imposible aniyang makatuloy ang mga OFW kabilang sa mga patungong Jordan dahil pababalikin lang sila sakaling isara ang airspace.
Sinabi ng DMW na noong Hunyo 19, nakatulong na ito sa 58 stranded OFW sa Dubai at Abu Dhabi para sa repatriation.
Sa mga stranded na OFW, 43 ang patungo sa Israel at 15 ang para sa Jordan.
Sinabi rin ng DMW nakipagpulong ito sa mga PRA sa Jordan upang ipaliwanag ang kasalukuyang sitwasyon at limitasyon ng deployment ng OFW. Jocelyn Tabangcura-Domenden