Home NATIONWIDE Recruitment agency sa MisOr ipinasara ng DMW

Recruitment agency sa MisOr ipinasara ng DMW

MANILA, Philippines- Ipinasara ng Department of Migrant Workers (DMW) ang Jonieza Joy Travel and Tours, Jonieza Joy Travel & Tours Agency & Consultancy, ang travel agency sa Initao, Mismis Oriental na natuklasang ilegal na nagre-recruit ng manggagawa para magtrabaho sa Poland, Czech Republic, Lithuania, Romania, Croatia, Malta, Greece, Canada, UK, Dubai at Saudi Arabia.

Pinangunahan ni DMW Assistant Secretary Francis Ron C. De Guzman, kasama si Regional Office X OIC-Regional Director Atty. Fidel Macauyag ang pagkandado sa nasabing recruitment firm.

Ang pagpapasara sa kompanya ay resulta ng serye ng surveillance operation na isinagawa ng DMW-Region X base sa ulat mula sa Filipino community sa Poland na nagbunyag na ang travel agency ay ilegal na nag-aalok ng trabaho abroad tulad ng Welders, Electrician, Locksmiths, Greenhouse Workers, Warehouse Workers, Cleaners, Drivers, Factory Workers, Construction Workers, Plumbers, Service Crew, Cook, Restaurant Manager, Food Attendant, Hotel workers, Waiters/Waitress, Caregivers at Nursing Assistants.

Pinangangakuan ang  recruits ng travel agency ng buwanang sahod na P35,000 hanggang P40,000 na may bonus, night shift differential, free medical exam at food allocations.

Nangako din na ipadadala ang kanilang recruits sa destinasyong bansa sa loob ng lima hanggang walong buwan kapalit ng P190,000 hanggang P230,000 sa processing at placement fees.

Upang matigil ang ipinagbabawal na aktibidad at mailigtas ang mga biktima, inirekomenda ng DMW ang pagkansela ng business permit ng travel agency at ang pagpapawalang-bisa sa pagpaparehistro nito sa Department of Trade and Industry (DTI).

“This closure operation is an example that the government is dead serious in protecting our OFWs against illegal recruiters who have been preying on our kababayans,” sabi ni DMW Secretary Hans Leo J. Cacdac .

Mahaharap ang mga may-ari at kawani ng travel agency sa kasong illegal recruitment na ginawa ng isang sindikato na may parusang P2 milyon hanggang P5 milyon at habambuhay na pagkakakulong. Isasama rin ito sa DMW List of Persons with Derogatory Record na epektibong magbabawal sa kanila sa mga aktibidad sa pangangalap.

Sinabi ni Cacdac na ang departamento ay magbibigay ng libreng legal assistance para sa mga biktima ng travel agency at maaaring lumapit sa DMW-Regional Office X sa Cagayan De Oro o DMW-MWPB sa https://www.facebook.com/dmwairtip at sa email na [email protected].

Ayon sa DMW, ito na ang ika-11 establisyimento na ipinasara ng DMW upang labanan ang illegal recruitment sa bansa. Jocelyn Tabangcura-Domenden