MANILA, Philippines — Iginiit ni Executive Secretary Ralph Recto nitong Biyernes na hindi naapektuhan ang operasyon, benepisyo, at serbisyo ng PhilHealth sa kabila ng paglilipat ng P60 bilyong pondo nito sa National Treasury.
Ginawa ni Recto ang pahayag matapos humiling ng reconsideration sina abogado Rodel Taton at ilang doktor at abogado mula Iloilo sa naging desisyon ng Ombudsman na iabsuwelto siya at dating PhilHealth president at chief executive officer Emmanuel “Manny” Ledesma Jr. sa mga reklamong plunder, technical malversation, at graft kaugnay ng naturang fund transfer.
Nauna nang sinabi ng Ombudsman na hindi maaaring papanagutin ang mga opisyal dahil isinagawa ang paglilipat ng pondo nang may mabuting pananampalataya at alinsunod sa mga probisyon ng 2024 General Appropriations Act.
“Government actions were consistent with existing fiscal management policies and previous explanations provided by concerned agencies. Consistent naman ang naging naging pahayag at naging findings hinggil sa usaping ito,” ani Recto.
Ayon sa kanya, ang inilipat na pondo ay nagmula sa sobrang kontribusyon ng pamahalaan at reserve funds na hindi naman ginagamit ng PhilHealth noong panahong iyon.
“Ang mahalaga ay hindi naapektuhan ang operasyon ng PhilHealth at ang serbisyo sa ating mga kababayan. Walang katotohanan na naapektuhan ang operasyon ng PhilHealth dahil sa pondong iyon. Hindi nabawasan ang benepisyo o serbisyo ng PhilHealth sa ating mga miyembro,” dagdag niya.
Sinabi rin ni Recto na matagal nang polisiya ng pamahalaan ang pagmamaksima sa paggamit ng magagamit na pampublikong pondo upang masuportahan ang mga prayoridad na programa at mabawasan ang pangangailangan sa pangungutang.
Pinabulaanan din niya ang anumang partisipasyon sa pagtaas ng budget allocation para sa ika-anim na distrito ng Batangas na kinakatawan ng kanyang anak na si Rep. Ryan Recto.
“Wala po akong alam diyan. Secretary of Finance ako noon at hindi kongresista. Ang paglalaan ng budget ay ginagawa ng Kongreso at ipinatutupad ng DBM,” ani Recto.
“Ang trabaho ng Department of Finance ay tiyakin ang kita at fiscal position ng pamahalaan,” dagdag niya. RNT