Home OPINION RECTO VS MAG-INANG LEGARDA-LEVISTE

RECTO VS MAG-INANG LEGARDA-LEVISTE

3
0

KILALA si Senator Loren Legarda sa matagal na niyang adbokasiya sa pagtatanim ng mga puno at pangangalaga sa kalikasan.

Taliwas dito, ang anak niya na si Batangas Representative Leandro Leviste ay nahaharap ngayon sa mga alegasyong may kinalaman sa umano’y “pagtatanim” naman ng ebidensya.

Matagal nang alam sa Batangas ang hidwaan ng kampo nina Legarda at Executive Secretary Ralph Recto. Ngunit sa mga nakaraam, tila naging mas personal ang kanilang banggaan.

Nagsimula ito sa pag-uugnay ni Leviste kay Recto sa umano’y infrastructure budget scandal. Kalaunan, naglabas pa siya ng mga picture na lumitaw na AI-generated at iniharap bilang suporta sa kanyang mga paratang. Nanahimik si Recto sa simula, ngunit kalaunan ay sumagot at tinawag si Leviste na “kulang sa pansin, pag-iisip, at pagmamahal.”

Umabot din ang tensyon sa Senado. Habang sinusubukang mabasag ang impasse sa pamumuno ni Senator Alan Peter Cayetano, lumabas ang mga ulat na hinihingi umano ni Legarda ang pagsibak kay Recto bilang kondisyon sa kanyang pagsuporta. Hindi ito pinagbigyan.

Mas mabigat ang sumunod. Sa isang entrapment operation ng National Bureau of Investigation, nadakip ang isang talent manager na nagsabing may plano umanong gamitin ang mga babae upang “maikahon” si Recto sa isang human trafficking case. Ang pahayag na ito ay iniugnay kay Leviste at nananatiling bahagi ng isinasagawang imbestigasyon.

Kasabay ng mga isyung ito, nagpataw ang Department of Energy ng P24-bilyong multa laban sa Solar Philippines, ang kompanyang itinatag ni Leviste, dahil sa hindi pagtupad sa power commitments sa ilalim ng naantalang renewable energy contracts.

Nakatakda rin ang preliminary investigation ng Office of the Ombudsman kaugnay ng mga reklamong may kinalaman sa umano’y paggamit ng kapangyarihan upang magkaroon ng prangkisa si Leviste at mamonopolyo ang solar power industry. Hindi rin naisakatuparan ang ipinangakong suplay ng kuryente mula sa solar franchise nito, dahilan upang makansela ang mga kontrata sa gobyerno.

Hindi pa pinal ang mga kasong ito at dapat manaig ang ‘due process’. Ngunit kung mapatutunayang may katotohanan ang mga alegasyon, nararapat lang na managot ang sinomang responsable.

Sa huli, ang tunay na sukatan ng pamumuno ay hindi ang dami ng paratang o ingay sa pulitika, kundi ang katotohanan, pananagutan, at tiwalang naibibigay sa publiko.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here