LUMIPAS na ang dalawang araw na pagpiprisinta ng prosekusyon ng Article 1 o maling paggamit ng Confidential Fund ni Vice President Sara Duterte ngunit hindi pa nila napatutunayan ito.
Noong unang araw, sinabi lang ng dalawang manager ng Land Bank na unusual o hindi karaniwan ang paglalabas sa bangko ng malalaking halaga gaya ng nasa P500 milyon at mahigit P100M ng Office of the Vice President at Department of Education.
Ngunit sinabi nilang walang iligal dahil aprubado ito ng National Treasury at naging karaniwan na ito nang magkakasunod na itong ginawa.
Isa kanila ang nagsabing may ganoon ding paglalabas sa Land Bank ng katulad na mga halaga ng ibang mga ahensya ng gobyerno.
Sinusubukan ng prosekusyon na manggaling sa bibig ng mga manager ng bangko na may iligal dito ngunit hindi natinag ang mga ito sa pagsasabing ligal lahat dahil aprubado nga ng National Treasury.
Kamakalawa, pinalabas ng prosekusyon bilang witness si Commission on Audit auditor Atty. Reoderick Wamil at sinubukan muli nilang palabasin na may maling paggamit ng confidentiaql fund.
Ngunit lumitaw na walang personal na kaalaman si Wamil sa mga pinal na desisyon ng COA dahil inilipat na siya sa ibang ahensya noong Pebrero 2024, bukod sa pagsasabing hanggang notice of disallowance lamang ang kanyang nagawa at wala pang pinal na desisyon dito.
Ipagpalagay na lang na may pinal na desisyon ang COA, pupwede pang iapela ito sa Supreme Court at posibleng katigan o ibasura nito ang desisyon ng COA.
Kahapon itinuloy ang pagprisinta ng prosekusyon ng mga ebidensya nito sa maling paggamit sa nasabing pondo.
Ang masasabi natin, hintayin natin na magkaroon ng cross examination ng depensa saka lilinaw ang lahat.






