MANILA, Philippines- Nagsagawa ng sabay-sabay na relief operations ang buong pwersa ng Philippine Red Cross (PRC) sa mga lugar na apektado ng matinding pagbaha sa Metro Manila at iba pang rehiyon dahil sa monsoon rains at Super Typhoon Carina.
Sa isang pulong na ipinatawag nitong madaling araw ng Hulyo 24, ipinag-utos ni PRC Chairman at CEO Dick Gordon ang agarang pagpapakilos ng manpower, pag-deploy ng emergency vehicles at kagamitan, pati na rin ang 24/7 na pagtatasa at pagsubaybay sa lahat ng aktibidad sa lupa.
Pinaalalahanan din ni Gordon ang lahat ng Red Cross volunteers at staff na sundin ang 4Ps (predict, plan, prepare, and practice) at tiyakin ang mahusay na paglulunsad ng mga asset.
Idinagdag ni PRC Secretary General Gwen Pang na ang Red Cross ay ganap na nakahanda at may sapat na resources upang tumugon sa lahat ng uri ng emergency sa buong tag-ulan.
Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), mahigit 866,000 indibidwal o mahigit 179,000 pamilya ang naapektuhan ng masamang panahon.
Nitong alas-2 ng hapon ng Hulyo 24, nakapagtala ang PRC Operations Center ng 21,706 displaced individuals na kasalukuyang naninirahan sa 102 evacuation centers sa Metro Manila (Manila, Quezon City), Ilocos Norte, Ilocos Sur, Iloilo, Batangas-Nasugbu, Cagayan, Occidental Mindoro, Bulacan, at lalawigan ng Rizal.
Nasa 140 indibidwal ang tinulungan ng PRC emergency response units (ERUs) sa Maynila at Malabon.
Pinakilos ang six-by-six multi-purpose response trucks, ambulance units, at food trucks sa Metro, habang gumamit ng rescue boats sa Quezon City, Valenzuela, Caloocan, Malabon, at Marikina.
Itinalaga na rin ang PRC water search and rescue (WASAR) teams sa Malabon at Mandaluyong para iligtas ang mga indibidwal na nakulong sa kanilang mga tahanan, naipit sa mga bubong at iba pang matataas na lugar dahil sa baha hanggang tuhod at dibdib.
Bukod dito, mahigit 500 mainit na pagkain ang naibigay ng Red Cross volunteers sa mga pamilya sa mga evacuation center sa Iloilo at Maynila. Jocelyn Tabangcura-Domenden