Home NATIONWIDE Red-tagging idineklarang banta sa karapatan ng bawat tao-SC

Red-tagging idineklarang banta sa karapatan ng bawat tao-SC

MANILA, Philippines – Banta sa karapatang pantao gaya ng right to life, liberty at security ang red-tagging, paninira at pag-label sa isang indibidwal.

Ito ang nakapaloob sa desisyon ng Supreme Court En Banc na nagkaloob sa kahilingan na writ of amparo ng petitioner na si Siegfred D. Deduro.

Si Deduro ay isang aktibista at dating party-list representative ng Bayan Muna.

Ayon kay Deduro, Hunyo 19, 2020, sa pulong ng Iloilo Provincial Peace and Order Council, binansagan siya ng militar bilang kasapi ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA).

May mga kumalat din aniya na mga posters sa Iloilo City na may larawan niya at may nakasulat na:

“MGA KAMPON SANG CPP-NPA-NDF SA SYUDAD! NAGAPANG- INTO KAG NAGA-BUTUG SA PUMULUYO! RALLY DIRI, RALLY DIDTO! WALA MAY NAUBRAHAN PARA SA BANWA!” (“DISCIPLES OF THE CPP-NPA-NDF IN THE CITY! FOOLING AND DECEIVING THE PEOPLE! HOLDING RALLIES HERE AND THERE! THEY HAVE DONE NOTHING FOR THE COUNTRY!”)

Dahil dito, naghain ang kongresista ng petition for writ of amparo sa RTC ay hiniling na ipatigil ang militar sa pag red-tag sa kanya.

Ibinasura ito ng RTC dahil wala umanong sapat na basehan para maituring na banta sa kanyang buhay, kalayaan at seguridad ang ginagawang red-tagging.

Gayunman, idineklara ng Supreme Court na may prima facie evidence sa petisyon ni Deduro.

Ang writ of amparo ay isang lunas na maaaring gamitin ng sinuman kapag nalabag ang kanyang right to life, liberty and security.

“One form of such threats is the act of red-tagging, acknowledged by international organizations as a form of harassment and intimidation. Labelling a person “red” often comes with frequent surveillance, direct harassment, and in some instances, eventual death.”

Posible aniyang magkaroon ng banta sa buhay ang sinuman na ma-red-tag dahil magiging target sila ng mga vigilante at paramilitary groups.

Dahil dito, binaligtad ng SC ang dismissal order ng RTC at inatasan na magsagawa ng summary hearing upang mabigyan pagkakataon ang militar na marinig ang panig.

Inatasan ng SC si Deduro na magsumite sa RTC ng Supplemental Petition para ireklamo ang Alliance of Victims of CPP-NPA-NDF at Western Visayan Alliance of Victims of CPP-NPA-NDF na pawang mga nasa likod umano ng pagpapakalat ng mga poster na nag red-tag kay Deduro. Teresa Tavares