Home NATIONWIDE Reenacted budget, makakapinsala sa ekonomiya – Pangandaman

Reenacted budget, makakapinsala sa ekonomiya – Pangandaman

292
0

MANILA, Philippines – Sinabi ni Budget Secretary Amenah Pangandaman na nakahanda ang Department of Budget and Management (DBM) at ang buong Executive branch ng gobyerno na makipagtulungan sa Kongreso para maplantsa ang mga umano’y kuwestiyonableng bagay sa panukalang P6.793-trillion national budget para sa 2026.

Sa isang pahayag kasunod ng joint press conference kasama si Public Works Secretary Vince Dizon noong Miyerkules ng gabi, nag-alarma si Pangandaman sa posibilidad ng reenacted budget sa susunod na taon matapos ang hakbang ng mga lider ng House of Representatives para sa pagbabalik ng 2026 National Expenditure Program (NEP) sa DBM.

“Siguro ang importante dito is that the Executive is very much willing to work with the Congress to make sure na maayos ‘yung ating budget at magkaroon tayo ng budget. Again, ‘pag wala kang budget, wala kang maipo-provide sa mga kababayan natin. Mas masakit ‘yun,” saad ni Pangandaman.

“Dito naman sa DBM, ready… assuming magkaroon tayo ng reenacted budget. Pero s’yempre, ‘di ba nga sinabi natin na ‘yung reenacted budget, magko-cause ng downturn ng ating ekonomiya, especially now na nakikita natin ‘yung malaking kontribusyon ng ating budget sa ating ekonomiya. Ayaw naman natin na mawala ‘yun,” dagdag niya.

Tinutukoy ng DBM ang reenacted budget bilang isang sitwasyon kung saan ang General Appropriations Act (GAA) ng nakaraang taon ay pinalawig at nananatiling may bisa sa isang naunang taon hanggang sa panahong maipasa ng Kongreso ang isang budget bill bilang batas.

Sinabi ni Deputy Speaker at Antipolo Representative Ronaldo Puno, chairman ng National Unity Party, sa isang joint press conference kasama ang iba pang political party leaders mula sa Lakas-CMD, Nacionalista Party at Nationalist People’s Coalition, na kanilang inirerekumenda na ibalik ang proposed 2026 national budget sa DBM dahil sa “erroneous entries” tulad ng zero allocations at mga proyektong natapos na para sa multi-years.

Nauna nang iniutos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang malawakang pagrepaso sa panukalang 2026 DPWH budget upang linisin ito sa mga hindi karapat-dapat na probisyon.

Sa kanyang ika-apat na State of the Nation Address (SONA), nagbabala si Marcos na ang gobyerno ay magpapatakbo sa ilalim ng reenacted budget sa 2026, nagbabala na ibe-veto niya ang isang panukalang budget bill na hindi naaayon sa mga programa at prayoridad ng kanyang administrasyon. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here