MANILA, Philippines – Inatasan ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman ang lahat ng tanggapan ng kagawaran na tiyaking ligtas ang kanilang mga kawani na apektado ng magnitude 7.5 na lindol sa Manay, Davao Oriental.
Partikular na pinakikilos ni Sec. Pangandaman ang regional office sa Davao at ang mga empleyado ng DBM mula sa Central Office na naroon para sa isang seminar.
Ayon pa kay Pangandaman, pinasuri na niya ang lahat ng kanilang mga tauhan upang matiyak na sila ay ligtas.
Pinasusuri rin ang structural integrity ng gusaling pinagdausan ng seminar.
Inatasan din ng Budget Chief ang DBM Regional Office na makipag-ugnayan sa kanilang mga counterpart sa ibang ahensiya ng pamahalaan gaya ng Department of Health (DOH), Department of Social Welfare and Development (DSWD), at Office of Civil Defense (OCD) upang malaman kung paano makatutulong sa mga komunidad.
Nagbaba na rin ng direktiba ang kalihim sa DBM Regional Office na makipag-ugnayan sa mga concerned agency kung paano makapagbibigay ng karagdagang tulong.
Sa utos aniya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., tiniyak ni Pangandaman na sa panahon ng kalamidad ay maglalabas ang pamahalaan ng sapat at kinakailangang tulong upang hindi maputol ang serbisyo ng mga frontline agencies na nagpapatupad ng relief at recovery efforts. — Jocelyn Tabangcura-Domenden