Home NATIONWIDE PHIVOLCS: Lindol sa Davao Oriental dulot ng paggalaw ng Philippine Trench

PHIVOLCS: Lindol sa Davao Oriental dulot ng paggalaw ng Philippine Trench

516
0

Kinumpirma ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na ang 7.4 magnitude na lindol na yumanig sa karagatan ng Manay, Davao Oriental nitong Biyernes ng umaga ay dulot ng paggalaw sa Philippine Trench.

“We have trenches around the Philippines… The Philippine Trench is the one that produced this one,” pahayag ni PHIVOLCS Director Dr. Teresito Bacolcol sa isang press briefing.

Ipinaliwanag ni Bacolcol na parehong nagdudulot ng lindol ang mga fault at trench, ngunit sa trench, ang seafloor ay gumigitgit pababa (subduction) na nagdudulot ng friction, at kapag ito ay nailabas, nagaganap ang lindol.

“Trenches generally are capable of generating great earthquakes—those greater than magnitude 8,” aniya, at idinagdag na nakadepende sa haba ng fault ang lakas ng lindol na maaari nitong likhain.

Kabilang sa mga naitalang malalakas na lindol sa parehong lugar ang magnitude 8.3 noong 1924, 7.6 noong 1952, at 7.1 noong 1992.

Nagdulot ang lindol sa Davao Oriental ng hindi bababa sa isang nasawi at nagpatigil ng operasyon sa ilang lugar matapos magtaas ng tsunami alert na kalauna’y binawi ng PHIVOLCS bandang 1:43 p.m.

Nangyari ito ilang araw matapos ang 6.9 magnitude na lindol sa Cebu noong Setyembre 30 na kumitil ng 74 katao at nakasugat ng 559 iba pa. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here