Home HOME BANNER STORY Hirit ni Digong na pansamantalang paglaya, tinabla ng ICC

Hirit ni Digong na pansamantalang paglaya, tinabla ng ICC

367
0

MANILA, Philippines – Tinanggihan ng International Criminal Court (ICC) ang kahilingan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na pansamantalang palayain, matapos hatulang nananatiling “kinakailangan” ang kanyang detensyon habang nililitis sa kasong crimes against humanity dahil sa murder at attempted murder.

Sa 23-pahinang desisyon na may petsang Setyembre 26, sinabi ng ICC Pre-Trial Chamber I na dapat manatili sa kulungan si Duterte upang matiyak ang kanyang pagdalo sa paglilitis at maiwasan ang posibleng panghihimasok sa mga saksi.

Binanggit ng korte ang pagtutol ni Duterte sa kanyang pag-aresto at mga pahayag ng kanyang anak, Pangalawang Pangulo Sara Duterte, na minsang nagpahayag ng ideyang “palayain” siya mula sa kulungan ng ICC at tinawag na walang bisa ang proseso ng korte.

“The foregoing illustrates Mr. Duterte’s rejection of the proceedings… and the will of his close family to help him elude detention and prosecution,” ayon sa ICC.

Tinukoy din ng tribunal na may sapat na impluwensiya si Duterte, kabilang ang kanyang muling pagkahalal bilang alkalde ng Davao noong 2025, na maaaring magamit upang makatakas o manakot ng mga saksi.

Ayon sa korte, ang pagpapalaya kay Duterte ay magbabalik sa kanya sa “posisyon na nagbigay daan upang magawa niya ang mga krimeng iniimbestigahan.”

Tinanggihan din ng ICC ang argumento ng kampo ni Duterte na dapat siyang palayain dahil sa edad na 80 at umano’y cognitive impairment, sa pagsasabing nakatatanggap siya ng “angkop na pangangalagang medikal” sa kulungan.

Ayon sa abogadong si Nicholas Kaufman, naghain na sila ng apela laban sa desisyon, at iginiit na mali ang hatol sa isang “mahina at may cognitive impairment na 80-anyos na dating pangulo.”

Naaresto si Duterte noong Marso 2025 at kasalukuyang nakakulong sa Hague Penitentiary Institution dahil sa kasong crimes against humanity na may kaugnayan sa kanyang war on drugs, kung saan mahigit 6,000 ang napatay ayon sa datos ng gobyerno—ngunit tinatayang umabot sa 30,000 ang bilang ayon sa mga human rights group. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here