Home NATIONWIDE Rehabilitasyon ng Magallanes flyover sisimulan sa susunod na linggo

Rehabilitasyon ng Magallanes flyover sisimulan sa susunod na linggo

MANILA, Philippines – Nakatakdang isailalim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang Magallanes Flyover sa Makati City sa rehabilitation works sa susunod na linggo.

Sa panayam, sinabi ni DPWH – National Capital Region (NCR) Director Loreta Malaluan na hinihintay na lamang nila ang mga permit mula sa concerned barangay sa paglalagay ng scaffolding sa ibabang bahagi ng flyover.

“Ang una nating sisimulan ay paglalagay ng carbon fiber sheets and plates sa ilalim. Kaya hindi po tayo agad magsasara sa ibabaw o sa mismong flyover,” ani Malaluan.

Samantala, siniguro niya na makikipagtulungan sila sa lokal na pamahalaan at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa paglalabas ng traffic scheme sa mga apektadong motorista.

“Ung sa ilalim, mostly tao lang ang dumadaan, may U-turn slot lang na maaapektuhan. Hindi naman po sasarhan ang U-turn slot, may konting abala o pagbabagal pero di isasara,” dagdag ni Malaluan.

Aniya, ang rehabilitasyon sa lane ng flyover ay susunod matapos ang repair ng EDSA-Kamuning flyover sa Quezon City.

Binanggit din ni Malaluan na maaaring dumaan ang light vehicles sa flyover kahit nagpapatuloy ang konstruksyon.

“Papalitan ang expansion joints lalo na dito sa southbound, yung nasa gitna na expansion joints. Ang isasara po natin, ‘yung dalawang lane sa gitna. Pero ang outer lanes nila, hindi natin isasara,” sinabi ng opisyal.

Inaasahang makukumpleto ang retrofitting project sa loob ng siyam na buwan. RNT/JGC