Home HOME BANNER STORY Reklamo inihain vs NCRPO chief, 14 pulis sa extortion

Reklamo inihain vs NCRPO chief, 14 pulis sa extortion

MANILA, Philippines – Inihain ang reklamo laban kay
National Capital Region Police Office (NCRPO) acting chief Major General Sidney Hernia at 14 iba pang pulis kaugnay sa umano’y extortion kasunod ng raid sa Malate, Manila.

Ayon sa ulat, apat na Chinese nationals ang naaresto ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group sa raid matapos umanong humingi ng tulong ang isang online scammer sa National Police Commission.

Sa reklamong inihatid para kay Interior Secretary Jonvic Remulla, sinabi ng complainants na ang pag-aresto ay illegal at hindi sila binasahan ng kanilang Karapatan ng mga umarestong pulis.

Isa sa mga dayuhan ang nagsabi rin na sinubukan pa umano silang kikilan ng isang pulis ng tig-P1 milyon kapalit ng abogado na may kaugnayan umano sa mga matataas na opisyal ng NCRPO, para sa kanilang kalayaan.

Sinubukan pang pababain ng naarestong Chinese national ang halaga sa mga pulis sa tig-P500,000.

“We took this opportunity to ask that we be allowed to contact our family and friends in order to raise the money that the respondents were demanding from us,” saad sa reklamo.

“We instead asked our family to hire us a real lawyer to help us in our current situation and legal problem.”

Bukod sa administrative charges, nais din ng mga nagreklamong Chinese na isailalim sa preventive suspension si Hernia para maiwasan ang pakikialam sa imbestigasyon.

Samantala, maghahain din ng reklamo laban sa mga pulis ang may-ari ng gusali na nilusob ng mga awtoridad.

Ayon sa may-ari, dapat ay nakipag-ugnayan sa kanila ang mga pulis na magsasagawa ito ng raid dahil mayroon ding isa pang kompanya ang nasa ika-23 palapag ng gusali.

“This is a licensed POGO before whose license was already revoked last year,” said lawyer Baby Arcega. “A single phone call would have clarified that Vertex is no longer in the building… what happened is they came charging at 23rd and 32nd floor.”

Sumagot naman ang PNP at sinabing pinalitan lamang ng Vertext ang kanilang business name.

“They could always make their claims po. Karapatan po nila yan if they would like to question the validity and basis of police operations, they are not precluded from doing so,” ayon kay PNP spokesperson Brigadier General Jean Fajardo.

Sinabi ng abogado na sinubukang pakialaman ng pulis ang CCTV sa ika-23 palapag matapos ang search warrant.

Nanindigan ang PNP na lehitimo ang kanilang operasyon.

“Karapatan naman po nila yun na magsampa ng kaso, but as far as the PNP-ACG is concerned…they’re still treating the 23rd floor ng Century Tower as crime scene po, ongoing pa po ang processing po diyan,” sinabi ni Fajardo. RNT/JGC