MANILA, Philippines- Itinuturing ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na “act of desperation” ang inihaing reklamo laban sa kanila sa umano’y pagdukot sa dalawang environment activists.
Sinabi ni NTF-ELCAC spokesperson Jonathan Malaya na ang reklamong inihain nina Jhed Tamano at Jonila Castro sa Office of the Ombudsman ay para lamang “forum shopping.”
“This is an act of desperation on their part. Number two, this is also forum shopping. Pumunta sila sa korte. They went to the Supreme Court, the Court of Appeals. Hindi sila nakakuha doon. They now are looking for any venue to pin down and again pillory the National Task Force ELCAC,” ang sinabi ni Malaya.
Inihayag pa ni Malaya na ag hakbang ay naglalayong i-harass ang NTF-ELCAC at iba pang respondents.
“It’s a harassment. For what? To intimidate. To threaten. Para tumahimik na kami. For us to back off whatever we’re doing,” ayon kay Malaya.
Bukod dito, ‘”or media mileage” lamang umano ang intensyon nina Tamano at Castro dahil ang grupo nito ay sumusuporta umano sa ilang kandidato para sa 2025 elections.
“I think the other thing that is a reason why they filed these cases is for media mileage. They have candidates running for senator. They have candidates running for party-list in the next election. And the filing of cases gives them the venue to capture extensive media mileage for them to portray themselves as the vendor of alleged environmentalists na hindi naman,” giit ng opisyal.
Sa ulat, naghain ng reklamo sa Ombudsman ang dalawang environment activists na sina Tamano at Castro laban sa mga awtoridad kaugnay sa umano’y pagdukot sa kanila noong Setyembre 2023.
Ang reklamong inihain ng dalawa ay paglabag sa Anti-Enforced o Involuntary Disappearance Act of 2012 at Anti-Torture Act of 2009 gayundin ang grave coercion sa ilalim ng Revised Penal Code.
Ang mga respondent ay si National Security Council official Jonathan Malaya at mga miyembro ng Philippine Army (PA), National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), at Philippine National Police (PNP).
Sa 22 pahinang reklamong inihain ng dalawang aktibista, sinabi ng mga ito na sila ay “unlawfully arrested” o dinukot ng mga sundalo mula sa 70th Infantry Battalion kasama ang NTF-ELCAC.
Sinabi din ng mga ito na pinilit silang mag-confess na sila ay surrenderees ng NPA.
Naging subject din umano sila ng torture ng mga dumukot sa kanila kung saan piniringan ang kanilang mga mata sa loob ng isang araw habang sila ay isinailalim sa matinding interogasyon at mga banta na sila ay papatayin hanggang sa sila ay pumayag na iharap sa press conference noong Setyembre 19.
Hiniling din ng dalawa sa Ombudsman ang preventive suspension ng mga respondent nang walang bayad o benepisyo sa gitna ng imbestigasyon.
Hiniling din ng mga ito na matanggal mula sa serbisyo ang nasabing mga respondent. Kris Jose