Home METRO Relokasyon ng mga residente sa 4 kilometer PDZ ng Kanlaon, ipinanukala

Relokasyon ng mga residente sa 4 kilometer PDZ ng Kanlaon, ipinanukala

MANILA, Philippines – Ipinanukala ng lokal na pamahalaan ng La Castellana sa Negros Occidental ang permanent relocation ng mga residenteng naninirahan sa four-kilometer Permanent Danger Zone (PDZ) ng Bulkang Kanlaon.

Ayon kay Mayor Rhummyla Nicor-Mangilimutan, ang kanilang panukala ay batay sa rekomendasyon ng Office of the Civil Defense (OCD) dahil sa banta ng Kanlaon.

Sa kabila nito, hindi naman umano nila kaya ang relokasyon para sa mga apektadong residente dahil sa limitadong badyet.

“Maybe, we will be asking support from the national government for the permanent relocation of the evacuees,” anang alkalde.

Sinabi ni John de Asis, pinuno ng Local Disaster Risk Reduction and Management (LDRRM) sa La Castellana, na nasa 30 tirahan mula sa tatlong barangay ang maaapektuhan. Ito ay ang Biak na Bato, Masulog, at Cabagna-an.

Matatandaan na ipinatupad ang forced evacuation ng lokal na pamahalaan sa Barangay Biak na Bato dahil sa lahar at mudflow matapos ang pagsabog ng Kanlaon noong Hunyo 3.

Ani Mangilimutan, kailangan nilang maglagay ng boundaries sa four-kilometer PDZ upang ipagbawal ang pagtira ng mga tao.

Sa kasalukuyan ay nananatiling stable ang sitwasyon sa kanilang bayan ngunit nananatili pa rin sa evacuation centers ang mga residenteng nasa four-kilometer PDZ habang nakataas pa rin ang Alert Level 2 sa Bulkang Kanlaon. RNT/JGC