Home NATIONWIDE Remulla sa LGUs: Inspeksyon vs POGOs paigtingin

Remulla sa LGUs: Inspeksyon vs POGOs paigtingin

MANILA, Philippines- Hinikayat ni Interior Secretary Jonvic Remulla ang local government units (LGUs) na paigtingin ang kanilang pag-iinspeksyon upang matiyak na tuluyang mapupuksa ang natitirang Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa bansa.

“Mensahe ito sa lahat ng LCE [local chief executives], husayan n’yo trabaho, siguraduhin n’yong inspeksyunin n’yo lahat ng mga building. Kayo rin ang mananagot kung mahuli namin na pinasok n’yo mga building at hindi kayo nag-report sa amin,” ang sinabi ni Remulla.

Ipinalabas ni Remulla ang babala matapos na salakayin ng mga awtoridad ang isang pasilidad sa Barangay Tambo, Parañaque City, araw ng Miyerkules, Enero 8 kung saan sinabi ng National Bureau of Investigation (NBI) ay ginamit sa ‘love at investment scams.’

Mahigit 400 indibidwal na nagtatrabaho sa hub ang nasakote at kasalukuyang nasa kustodiya ng NBI. Karamihan sa mga ito ay Chinese, Vietnamese, Indonesian, at Myanmar nationals.

“Full operation eh, 400 plus, so susulat kami sa LGU, hihingi kami ng paliwanag kung ano talaga ang nangyari,”ang sinabi ni Remulla.

Matatandaang nagpalabas si Remulla ng isang memo noong Enero 2, inaatasan ang LGUs na regular na inspeksyunin ang business establishments upang matiyak na hindi na mag-ooperate ang POGOs sa kanilang ‘areas of authority.’

Ipinag-utos din nya sa LGUs na makipag-ugnayan sa Philippine National Police (PNP) kaugnay sa mga “hidden” POGO operations.

Inatasan din ang LGUs na magsumite ng “no POGO” certificate sa pagtatapos ng Enero 2025. Kris Jose