Home NATIONWIDE Rep. Duterte, Rep. Nograles naghamunan ng drug test

Rep. Duterte, Rep. Nograles naghamunan ng drug test

Manila, Philippines – Nagpapatuloy ang pasaringan at tunggalian ng dalawang magkalaban sa pagka-kongresista sa Davao City, sina PBA Party-list Rep. Margarita Nograles at 1st District Rep. Paolo Duterte.

Si Duterte ay naglabas ng kaniyang video habang nagpapakuha ng hair follicle test at ng naging resulta nito kasabay ng kaniyang paghamon kay Nograles na sumailalim din sa isang drug test.

“Hinahamon ko ang aking katunggali sa pagka-representante ng Unang Distrito ng Davao City, na sinasabing miyembro ng mga ‘young goons’ sa Kongreso, o ‘guns’ ba iyon, na magpa-hair follicle test din. Ang hamon na ito ay para sa ating kapakanan at para matiyak na ang mga maglilingkod sa bayan ay malinis at walang kahit anong bisyong ilegal na droga,” hamon ni Duterte.

Nanindigan din ang batang Duterte na nakahanda pa siyang magpa-hair follicle test ulit kung kinakailangan upang mapanatag ang isipan ng kanilang mga kababayan tungkol sa integridad ng kanilang mga lider.

Agad naman itong minaliit ni Nograles sa pagsasabing ang drug na test na ginawa ni Duterte ay noon pang buwan ng Agosto makabubuti aniyang magsabay na sila sa araw na ito.

“I appreciate that you have posted your drug test result but this is an old test done last August. For the sake of transparency and accountability to the people of Davao City, I’d like to invite you to join me for a new drug test tomorrow (October 23) at 1:30 PM.”

Ani Nograles, makabubuting magsabay silang sumailalim sa hair follicle test sa Hi Precision Laboratory sa Bajada, Davao City.

“Let’s do it at the same time and together show the people of Davao City that we are not afraid to prove ourselves. Hope to see you there,” hamon naman ni Nograles kay Duterte. (Meliza Maluntag)