Home NATIONWIDE Reporma ng pamahalaan nakatulong sa pagkatanggal ng Pilipinas sa FATF grey list...

Reporma ng pamahalaan nakatulong sa pagkatanggal ng Pilipinas sa FATF grey list – Palasyo

MANILA, Philippines – Tinukoy ng Malakanyang ang mga reporma at pagpupursigi ng pamahalaan laban sa money laundering at terrorism financing kung kaya’t nakaalis na ang Pilipinas sa grey list ng Financial Action Task Force (FATF).

“Dahil sa pagpupursigi ng ating Pangulo ay napatanggal na po natin ang ating bansa sa Financial Action Task Force grey list,” pahayag ni Palace Press Officer and PCO Undersecretary Clarissa Castro.

“Hindi titigil ang ating Pangulo na maisaayos at mapigil ang mga gawaing may kinalaman sa money laundering at terrorist financing,” dagdag niya.

Ayon kay Castro, ang pagkakatanggal ng Pilipinas sa FATF grey list ay isang major accomplishment at nangangahulugan ng mas matiwasay na financial transactions, mas maraming foreign investor, at mababang remittance fees para sa overseas Filipino workers (OFWs).

Sinabi rin ng opisyal na kapag ang isang bansa ay grey-listed, nasa ilalim ito ng mas maigting na monitoring ng FATF dahil sa ilang kakulangan sa mga dating kampanya laban sa money laundering at terrorism financing.

Matatandaan na isinama ng FATF ang Pilipinas sa monitoring o sa grey list noong 2021 matapos na makitaan ng 18 kakulangan ang pamahalaan sa paglaban sa money laundering at terrorism financing.

Kabilang dito ang mga operasyon na may kaugnayan sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs). RNT/JGC