Home NATIONWIDE Reserve force ng militar pinalalakas ng AFP

Reserve force ng militar pinalalakas ng AFP

MANILA, Philippines- Pinaiigting ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang naval reserve force nito dahil sa mahalagang papel nito sa pagpapalakas ng territorial defense ng bansa sa gitna ng security developments sa rehiyon.

Inihayag ito ni AFP chief General Romeo Brawner Jr. sa pangunguna niya sa pagtatapos ng pinakabagong batch ng Basic Citizen Military Course Class 08-24 at  09-24 finishers sa Baguio Country Club noong Sabado, Hunyo 29.

Tanda ang nasabing seremonya ng matagumpay na pagkompleto ng training program para sa 84 bagong graduates.

“Maganda naman ang nangyaring graduation because now we have 84 new members of the naval reserve force. This is a big boost to our defensive posture because we are now currently trying to develop our reserve force,” pahayag ni Brawner.

Lumiha ang AFP, ayon kay Brawner, ng matatag na reserve force sa loob ng mahabang panahon. Subalit, dahil sa mga hamong kinahaharap ng bansa, kailangang paigtingin ang ang reserve force, sanayin ang mga ito, at tiyaking sila ay “prepared for any eventuality whether these are man-made or natural.”

“Kung makikita natin ang mga giyera na nangayayari sa buong mundo, like in Ukraine, in Israel and Gaza, the reserve force plays a very important role. Napakaimportante na madevelop natin dito sa ating bansa ‘yung reserve force natin,” anang military chief.

Magiging bahagi ang bagong graduates ng reserve force ng Philippine Navy na nakabase sa Northern Luzon. 

Idinesenyo ang Basic Citizen Military Course upang sanayin ang mga kalahok sa kinakailangang military skills at kaaalaman na nagpapakita ng nasyonalismo at kahandaang magsilbi sa bansa sa panahon ng pangangailangan. RNT/SA