MANILA, Philippines – Hinimok ni Senate Majority Leader Francis “Tol” Tolentino ang 107,000 reservists sa iba’t ibang sangay ng militar sa bansa na maging aktibo sa pagtatanggol at pangangalaga sa soberanya ng Pilipinas sa gitna ng tensiyon at hamon sa pulitika sa West Philippine Sea.
Sa pagdiriwang ng 45th Reservist Week sa Camp Aguinaldo, binigyang-diin ni Tolentino ang “kahalagahan ng matatag at handang reservists na hindi maaaring takutin” dahil nagiging estratehiko ang papel ng bansa sa Indo-Pacific sa komplikadong kapaligiran sa seguridad.
Ang mambabatas, isang aktibong miyembro ng military reserve force ng bansa—na may ranggong Brigadier General—ay pinuri ang mga tungkulin ng reservists bilang mga propesyonal na tagapagtaguyod ng bansa, tagapagtanggol at humanitarian responders.
“Ang reserbang puwersa ay isang simbolo, isang testamento sa bawat Pilipino, nagsisilbi at nangangalaga ang ating soberanya,” aniya.
Sinabi pa ni Tolentino na ang reserbang puwersa ay nagbibigay ng katiyakan na ang sambayanang Pilipino ay handa sa panahon ng krisis.
“Habang nahaharap tayo sa mga karagdagang kawalan ng katiyakan sa rehiyon, kinakailangan patuloy nating palakasin ang mga kakayahan, pagsasanay, at suporta para sa ating reservists,” dagdag niya.
Ibinahagi ni Tolentino na bilang reservist mismo, gumawa siya ng dalawang mungkahing batas—Maritime Zones Law at Archipelagic Sea Lanes Law—bilang mga kontribusyon upang palakasin ang pag-angkin ng Pilipinas sa territorial waters, endowment, at karapatan sa buong bansa batay sa international laws.
“Ang mga batas na ito ay may pangmatagalang epekto sa ating soberanya,” sabi niya.
Naniniwala si Tolentino na dapat maging concern at handa ang reserve force sa iba’t ibang banta sa seguridad sa bansa, kabilang ang mga conventional at non-conventional tulad ng cyber attacks, terorismo, at human trafficking.
Inamin niya na ang mga bihasang reservist sa teknolohiya, batas, medisina, engineering, at iba pang kadalubhasaan ay napakahalaga sa modernong konsepto ng depensa na nagpapahusay sa kakayahan ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Isinasaalang-alang ni Tolentino ang kakayahan at kadalubhasaan ng mga reservist para tumugon sa mga hamon ng banta ng pagsalakay sa bansa para magamit ng AFP.
“Ipaalala rin natin na ang ating pambansang depensa ay hindi lamang tungkol sa sandata at estratehiya, kundi tungkol din ito sa kolektibong kamalayan ng ating bansa na manindigan at ipagtanggol ang ating soberanya at kalayaan,” sabi ni Tolentino. RNT