SABI ni Department of Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla, kapag sinabi mo ang “Resign Mr. President” ito raw ay “close to inciting to sedition” at maaari kang makasuhan.
Palagay ko, kailangang busisiing mabuti ng isang may kaalaman ang pahayag ni SILG at hindi dapat base sa emosyon,
Una sa lahat, ang panawagang magbitiw sa puwesto—anomang opisyal pa yan, kahit ang Pangulo—ay hindi awtomatikong pag-uudyok ng sedisyon.
Ang sedisyon sa ilalim ng batas ay may malinaw na elemento: ang paghihikayat ng karahasan o paggamit ng puwersa upang pabagsakin ang pamahalaan. Kapag walang violent intent, walang panawagan sa pag-aalsa, at ito’y malinaw na pagpapahayag lamang ng malayang opinyon, hindi ito maituturing na krimen.
Kung pagbabasehan ang sinabi ni Secretary Remulla, tila may double standard: nang sabihing mag-resign si Vice President Sara Duterte, hindi natin narinig ang parehong pag-angkin ng “sedisyon.” Ngunit bakit kapag Presidente na ang pinagreresign ay bigla itong nagiging halos krimen? Hindi ba’t ang pinangangalagaan ng batas ay prinsipyo, hindi personalidad?
Mahalagang isaalang-alang na mismong Saligang Batas ang nagbibigay ng mekanismo para sa resignation ng Pangulo. Nakasaad doon na ang Bise Presidente ang awtomatikong hahalili “in cases of death, resignation, permanent disability or removal from office.” Kung gayon, paano nagiging banta sa pamahalaan ang isang panawagang malinaw na pinapahintulutan ng Konstitusyon?
Ibang usapan kung hinihikayat ang marahas na pagpapatalsik—iyon ay tahasang labag sa batas. Ngunit ang mga mapayapang kilos-protesta na ang tanging panawagan ay “Resign, Mr. President” ay lehitimong bahagi ng demokratikong espasyo. Ang dissent ay hindi krimen; ito ay karapatan.
Sa harap ng sunod-sunod na isyu ng katiwalian, anomalya, at palpak na pamamahala, natural na may mga mamamayang tatawag ng paniningil o pagbibitiw. At kung ayaw pakinggan ang panawagan, naroroon pa rin ang prosesong konstitusyonal—ang removal from office gaya ng impeachment.
Sa isang demokrasya, ang katotohanan ay simple: ang paghingi ng pananagutan ay hindi sedisyon. Ito ay serbisyo sa bayan.






