Home HOME BANNER STORY Resolusyon na kumukondena sa pahayag ng Chinese embassy inaprubahan ng Senado

Resolusyon na kumukondena sa pahayag ng Chinese embassy inaprubahan ng Senado

186
0

MANILA, Philippines – Makalipas ang ilang araw na deliberasyon ay pinal nang inaprubahan ng Senado ang Senate Resolution No. 256 na kumukondena sa pahayag ng Chinese embassy sa Manila na bumatikos sa mga opisyal ng Pilipinas at mga institusyon nito sa posisyon kaugnay sa soberanya ng bansa at maritime rights sa pinag-aagawang teritoryo.

Ang kontrobersyal na resolusyon ay nahirapang makalusot sa plenaryo ng Senado makaraang ang ilang miyembro ng minority bloc ay nagpahayag ng mga pagkwestyon kaugnay sa naturang hakbang.

Sa kabila nito, araw ng Lunes, Pebrero 9, matapos ang tatlong oras na interpelasyon ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano sa sesyon ng kapulungan ay inaprubahan na ang resolusyon.

Sa ilalim ng Senate Resolution No. 256, 15 senador ang nanindigan na ang lenggwahe na ginamit ng opisyal ng Chinese embassy para sa mga miyembro ng Kongreso ay umaalis sa “the restraint, courtesy, and responsibility expected of diplomatic communications” at salungat sa “principles of mutual respect and non-interference” ng mga estado.

Inalala rin ng mga ito ang nauna nang pagpuna ng Department of National Defense at Armed Forces of the Philippines sa tangka ng Chinese officials “to intimidate or malign Philippine defense institutions and personnel” at nangakong hindi mapatatahimik ng mga ganitong aksyon.

Kinilala ng resolusyon na may soberanya at responsibilidad ang Pilipinas at responsibilidad ito na i-presenta, igiit, at depensahan ang opisyal nitong posisyon at national interest batay sa international law.

Nanawagan din ang naturang hakbang sa Department of Foreign Affairs na gumawa ng nararapat na diplomatic measures upang patatagin ang dignidad ng Pilipinas at siguruhing ang relasyon sa iba pang estado ay sumusunod sa international law at kung kinakailangan, “place [the country’s] objections on record and elevate the matter to relevant international fora.”

Ang mga signatories ng panukala ay sina Senate President Vicente Sotto III, Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson, Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, Sen. Kiko Pangilinan, Sen. Erwin Tulfo, Sen. Risa Hontiveros, Sen. Raffy Tulfo, Sen. Win Gatchalian, Sen. Loren Legarda, Sen. JV Ejercito, Sen. Bam Aquino, Sen. Camille Villar, Sen. Mark Villar, Sen. Jinggoy Estrada at Senador Lito Lapid. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here