MANILA, Philippines – Inihain ng tinaguriang “Young Guns” sa Kamara ang isang resolusyon na layong amyendahan ang 1987 Constitution upang ibaba ang minimum age requirement: mula 40 tungo sa 35 para sa Presidente at Bise Presidente, at mula 35 tungo sa 30 para sa mga senador.
Pinangunahan nina Deputy Speakers Paolo Ortega V at Jay Khonghun ang panukala, na nakabatay sa datos na 52% ng populasyon ng bansa ay wala pang 30 taong gulang. Giit nila, napatunayan ng kabataan na sila’y handa at may kakayahan sa pamumuno.
“Leadership is not about age but about vision, malasakit, at kagustuhan na magsilbi,” ani ng mga may-akda, sabay-diin na dapat mas malapit sa karanasan ng bagong henerasyon ang mga lider.
“Thirty-eight years since the ratification of the Constitution, the Philippines has undergone major demographic and social shifts, with more than 52 percent of the population under the age of 30, reflecting a vibrant, dynamic, and increasingly educated youth sector,” saad pa sa resolusyon.
Kapag inaprubahan ng Kongreso, magbubukas ito ng daan para sa constitutional convention na dadaan sa plebisito para sa pinal na pagpapasya ng mamamayan. RNT