Home TOP STORIES Responsableng pangangampanya panawagan ni Pacquiao, MPBL Partylist

Responsableng pangangampanya panawagan ni Pacquiao, MPBL Partylist

MAYNILA — Muling nanawagan si MPBL Partylist President Ronwald Fuentes Munsayac sa kanilang mga tagasuporta at lider sa buong bansa na tiyaking sumusunod sa itinakdang alituntunin ng Commission on Elections (COMELEC) sa patuloy na pangangampanya ng MPBL Partylist 77 at ni Sen. Manny Pacquiao.

“Nagpapasalamat kami sa lahat ng ating mga volunteers at campaigners na walang sawang sumusuporta sa ating adhikain. Sa ngayon, wala pa tayong natatanggap na anumang abiso mula sa COMELEC, na nangangahulugang maayos tayong nangangampanya. Gayunman, nais nating maging proactive sa pagpapaalala ng tamang paraan ng pangangampanya upang mapanatili nating malinis at maayos ang ating laban,” pahayag ni Munsayac.

Alituntunin sa Pagpapaskil ng Campaign Materials

Binigyang-diin ni Munsayac ang mahigpit na pagsunod sa tamang pagpapaskil ng campaign materials:

  • Pinapayagan ang pagpapaskil sa common poster areas na itinakda ng lokal na pamahalaan.

  • Pinapayagan sa pribadong ari-arian basta may pahintulot ng may-ari.

  • Mahigpit na ipinagbabawal ang paglalagay ng campaign materials sa pampublikong sasakyan, kalsada, gusali ng gobyerno, poste ng kuryente, puno, traffic signs, tulay, at iba pang pampublikong imprastraktura kung walang pahintulot mula sa LGU o may-ari ng lugar.

Malinis at Maayos na Kampanya

Ayon kay Munsayac, mahalagang panatilihin ang integridad ng kanilang kampanya sa pamamagitan ng pag-iwas sa paninira, maling impormasyon, at paggalang sa ibang kandidato at kanilang mga tagasuporta.

“Habang ipinaglalaban natin ang tagumpay ni Sen. Manny Pacquiao at MPBL Partylist 77, tiyakin nating sumusunod tayo sa batas. Ang isang malinis na kampanya ay sumasalamin sa ating tunay na hangaring maglingkod sa bayan,” aniya.

Pag-iingat sa Init ng Panahon

Nagbigay rin ng paalala si Munsayac kaugnay ng matinding init ng panahon ngayong tag-araw. Hinikayat niya ang mga campaigners na pangalagaan ang kanilang kalusugan sa pamamagitan ng pag-inom ng sapat na tubig, paggamit ng sombrero o payong, at pagpapahinga kung kinakailangan.

Tuloy-tuloy ang Laban

“Tuloy-tuloy ang ating laban para sa MPBL Partylist 77. Sama-sama nating itaguyod ang grassroots sports development at isulong ang mas magandang kinabukasan para sa ating bayan,” pagtatapos ni Munsayac. RNT