MANILA, Philippines – Hinihimok ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang mga magulang at guro na maingat na subaybayan ang pinanunuod ng mga bata, hindi lamang sa TV at mga pelikula kundi maging sa online.
Sinabi ni MTRCB Chairperson Diorella “Lala” Sotto-Antonio na ang online content ay wala sa hurisdiksyon ng ahensya.
“Our jurisdiction only is limited to motion pictures, movies in cinemas and television programs,” aniya. “We are worried with the emergence of online content available in gadgets accessible to the young.”
Upang maiparating ang mensaheng ito, ang MTRCB ay nagsasagawa ng “Responsableng Panunuod” at “Responsableng Paggabay” na mga seminar sa mga paaralan at komunidad sa buong bansa.
Sa ilalim ng “Responsableng Panunuod,” ang MTRCB ay nagtuturo sa mga magulang, guro at tagapag-alaga tungkol sa mga available na in-app na regulasyon sa teknolohiya gaya ng pag-on sa child-friendly na setup para sa ilang online streaming services.
Sa kabilang banda, ang mga seminar ng “Responsableng Paggabay” ay mayroong mga tagalikha ng nilalaman at mga taga-media bilang madla.
Sinabi niya na ang mga local government unit ay maaaring humiling ng mga seminar na ito sa MTRCB sa pamamagitan ng email address o website. RNT/MND