Home OPINION ‘RESTITUTION’ AT ‘FOR THE BOYS’, BOW!

‘RESTITUTION’ AT ‘FOR THE BOYS’, BOW!

1
0

IPINAMALAS ng Office of the Ombudsman kung gaano ito kabilis sa kaso nina Senador Rodante Marcoleta at Senador Jinggoy Estrada na kapwa iniuugnay sa political bloc ng pamilya Duterte.

Swak agad sa selda si Marcoleta matapos sampahan ng reklamong plunder kaugnay ng umano’y ₱75 milyong illegal campaign donations. Ikinulong si Marcoleta na magsisilbi sanang senator-judge, sa mismong araw ng pagsisimula ng Senado sa Impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.

Ganito rin ang nangyari kay Estrada. Kinasuhan siya ng plunder at graft noong Mayo 28 kaugnay ng pagtanggap umano ng P573 milyong kickbacks mula sa flood-control projects. Kaagad lumabas ang warrant of arrest at sumuko siya noong Hunyo 1.

Kung napakabilis kasuhan, arestuhin at ikulong ang mga senador na iniuugnay sa kampo ni Duterte, bakit malaya pa rin ang iba pang malalaking pangalan na sangkot sa iskandalo ng flood-control? Anyare?

Si Marcoleta na wala naman sa mga senador na unang tinukoy ng Ombudsman noong Nobyembre 2025 bilang malapit nang arestuhin—ang una pang nakulong. Yung iba, papeteks-peteks na.

Ang mga kaso rin laban sa mga “CONGtractor” at iba pang makapangyarihan ay tumagal na ng maraming buwan subalit nakatengga pa rin sa Ombudsman.

Kaya may mga nagtatanong. May nangyayari bang alukan, kasunduan o nakapagbigay na ng tinatawag na “restitution”?

Sino raw itong si alyas “Nanang” o alyas “Alfred” na ayon sa mga usapan ay tumatayong “tagapamagitan” ng Ombudsman? Anong say dito ni Asst. Ombudsman Mico Clavano? Nakapag-restitute na ba si Liluigi Bonoan, ay mali, si dating DPWH Secretary Manny Bonoan pala?

Ano rin daw ba ang role nina Rolle, Bayot, Jip, Weng at Susan? Sila raw ang “happy group”, sabi ng mga bubwit sa Ombudsman.

Tumpak ang pamahalaan na dapat maibalik ang mga ninakaw na pera ng bayan pero hindi dapat magamit ang restitusyon upang lihim na makatakas sa pag-uusig ang mga totoong may sala.

Dapat itong maging lantad sa publiko o hindi pinadadaan sa “tagapamagitan” habang tahimik na inaalikabok ang mga kasong kriminal.

Higit sa lahat, hindi dapat maging code word ang “restitution” para sa “for the boys”.

Mukhang may maboboldyak dito si Ombudsman Boying!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here