EASTERN SAMAR, Philippines – Natagpuang patay ang isang 61-anyos na retiradong guro matapos matagpuang nakalutang nang nakadapa sa dagat sa Barangay Mina-anod, Llorente, Eastern Samar bandang 6:10 p.m. noong Lunes.
Ayon sa pulisya, isang mangingisda ang nakakita sa biktima at nagbigay-alam sa mga awtoridad. Agad na rumesponde ang Llorente police at MDRRMO at dinala ang biktima sa Llorente Medical Hospital (Medicare), kung saan siya idineklarang patay.
Sa paunang imbestigasyon, nakita umano ang biktima bandang 3 a.m. na dumating sa Barangay So-ong sakay ng maliit na bangka habang may mga pasahero. Matapos ihatid ang mga ito, umalis siyang mag-isa sakay ng bangka at iyon na ang huling pagkakakita sa kanya nang buhay.
Kinilala ng pamilya ang katawan. Wala namang nakitang malinaw na sugat o senyales ng foul play sa unang pagsusuri. Patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang tunay na sanhi at pangyayari sa pagkamatay. RNT/MDS