Home OPINION RETIRADONG PULIS MAYNILA AT MGA DATING KASAMA SANGKOT SA ‘PAIHI’

RETIRADONG PULIS MAYNILA AT MGA DATING KASAMA SANGKOT SA ‘PAIHI’

96
0

MAY bagong mukha ang lumang sakit ng katiwalian—at mas nakakabahala, tila nasa loob pa mismo ng pamahalaan. Isang retiradong pulis na ngayo’y nagtatrabaho sa Manila City Hall ang nasasangkot umano sa “paihi” operation kung saan ito ay itinuturing na isang iligal na bentahan ng produktong petrolyo na matagal nang kilalang modus sa mga pantalan.

Hindi ito simpleng tsismis, ayon sa source na nagtatrabaho rin sa city hall. Ang masakit, ang bentahan ay nagaganap pa raw ilang metro lamang mula sa gusali ng lokal na pamahalaan na isang lantad na paglapastangan sa batas at sa tiwala ng taumbayan.

Sa gitna ng tumitinding krisis sa presyo ng langis, kung saan bawat sentimo ay ramdam ng ordinaryong Pilipino, may mga taong pinipiling kumita sa maruming paraan. Ayon sa ulat ng Philippine National Police, tinutunton na ang “utak” sa likod ng P9.75-milyong paihi operation na nadiskubre sa Navotas Fish Port Complex.

Umabot sa 65,000 litro ng langis ang nakumpiska at siyam na katao ang naaresto, isang malinaw na indikasyon na hindi ito maliit na operasyon, kundi bahagi ng mas malawak na sindikato.

Kung ang mga sangkot ay may koneksyon pa sa mga aktibong o retiradong alagad ng batas, mas lalong dapat mangamba ang publiko. Paano na ang integridad ng institusyon kung ang mismong mga inaasahang magpatupad ng batas ang posibleng lumalabag dito?

Ang pahayag ni Philippine National Police chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr. na nagsasabing matagal nang modus ang “paihi” ay tila kumpirmasyon na hindi sapat ang mga naunang hakbang upang tuluyan itong mapuksa.

Hindi dapat magtapos sa hulihan ang usapin. Kailangang masilip ang ugat—ang koneksyon, ang daloy ng pera, at ang proteksyon na maaaring tinatamasa ng mga nasa likod nito. Kung may mga transaksyon pang nagaganap malapit sa Manila City Hall, malinaw na may kapal ng mukha at lakas ng loob ang mga sangkot. Baka may basbas? Sa palagay ng inyong Pakurot, hindi ito batid ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso.

Matagal na itong ginagawa ng opisyal na nasa city hall kasama ang ilang mga dati niyang tauhan na ngayon ay nasa serbisyo pa rin.

Siguro dapat na ring mabulgar ang katiwaliang ito ng opisyal na ito na dating napag-initan na ni Nartatez noong siya ay director ng National Capital Region Police Office dahil sa pagiging malatuba nitong pulis na ngayon ay opisyal na sa MCH.

Papanagutin na ang dapat managot. Retirado man o aktibo. Dahil habang may mga “paihi” na nagaganap, patuloy ding pinaiiiyak ang sambayanan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here